1 simple tips from Doctor for healthy feet!

0 / 5
1 simple tips from Doctor for healthy feet!

Alamin ang simpleng tip ni Dr. Arandia para sa malusog na mga paa—nagsisimula ito sa tamang sukat ng sapatos para iwas-sakit sa likod, tuhod, at paa!

—Sa paggunita ng Undas, maraming Pinoy ang gumugol ng oras sa sementeryo at kalaunan ay nagpunta sa mall para magpahinga o maglibot. Habang abala ang karamihan sa lakaran at pagtayo ng matagal, kadalasan ay napapabayaan ang pangangalaga sa mga paa.

Ayon kay Dr. Charles Rainier F. Arandia mula sa Makati Medical Center, mahalagang bigyan-pansin ang kalusugan ng paa dahil ito ang nagbibigay balanse at suporta sa buong katawan. "Ang mga paa ay hindi lang para sa paglalakad o pagtakbo," ani Dr. Arandia. "Ito rin ang nag-iingat laban sa pagkadapa, at tumutulong sa tamang postura."

Isa sa pinakapayak na pagkakamali na nagdudulot ng mga problema sa paa ay ang pagsuot ng hindi tamang sukat ng sapatos. Maraming Pinoy ang nagsusuot ng masikip o maluwag na sapatos, na nagdudulot ng mga kalyo, paltos, at maging ng plantar fasciitis o pananakit ng sakong.

"Kapag luma o maliit ang sukat, pwede kang makaranas ng bunion o calluses," babala ni Dr. Arandia. "Ang maluwag na sapatos naman ay pwedeng magdulot ng paltos at pananakit."

Dagdag pa ng doktor, kung pababayaan ang mga kondisyon sa paa, maaaring magresulta ito sa mga isyu sa tuhod, balakang, at likod dahil sa maling gait o galaw. "Ang paggamit ng maling sapatos ay nagdadagdag ng strain sa mga kasukasuan, ligaments, at joints ng katawan."

Bilang unang hakbang para sa mas masiglang mga paa, inirerekomenda ni Dr. Arandia ang pagsukat ng paa bago bumili ng sapatos. "Sukatin ang haba mula sa dulo ng hinlalaki hanggang sakong sa dulo ng araw, at tiyakin na may espasyo na kasing lapad ng daliri sa pagitan ng dulo ng sapatos at paa."

Dapat ding isaalang-alang ang uri ng arko ng paa. "May mga sapatos na may espesyal na disenyo para sa iba-ibang foot arch. Para sa high arches, piliin ang may cushioned midsole, at para sa flat feet, mas okay ang matibay na midsole para sa mas maayos na suporta," ayon kay Dr. Arandia.

Kung commuter o mahilig maglakad nang madalas, pumili ng sapatos na may sapat na supporta para protektado ang paa sa buong araw. Isa man sa trabaho, pagbibilang ng hakbang, o pag-jogging, ang tamang sukat ng sapatos ay simpleng hakbang para sa malusog na mga paa—at maaaring makatulong pa para iwas sa back pain!