— Ang konsepto ng intensive mothering, isang term na pinasikat ni sociologist Sharon Hays, ay tumutukoy sa mga inaasahan sa mga ina na maglaan ng malaking oras, enerhiya, at resources para sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Ang public opinion madalas ang nagdidikta kung paano maging “tamang” ina, na nagiging sanhi ng pag-prioritize ng mga ina sa kanilang mga anak at hindi sa kanilang sarili.
“A common na ginagawa ng mga nanay ay ipagpaliban ang self-care, lalo na pag buntis at pagkatapos manganak,” sabi ni Dr. Emerita Rilloraza, isang OB-Gyne sa Manila Doctors Hospital. “Maraming nanay ang nagkakandahirap at napapabayaan ang sarili para unahin ang iba.”
Sa isang forum para sa mga ina, ibinahagi ni Dr. Rilloraza ang mga mahahalagang milestones at pagbabago sa pagbubuntis at maagang yugto ng pagiging ina. Narito ang mga tips para sa mga ina at mga magiging ina:
Bago Isilang ang Sanggol
“Habang buntis, nagbabago ang katawan at pananaw kaya mahalaga ang suporta ng mga mahal sa buhay,” dagdag ni Rilloraza.
Importante ang pagbabantay sa mga health issues gaya ng gestational diabetes o mataas na blood pressure. Iminungkahi ni doktora ang tamang pagkain at pag-inom ng sapat na tubig.
“Dapat nakakakuha ng sapat na nutrisyon ang buntis para sa fetal growth, development, at lactation,” ani pa ng OB-Gyne.
Bukod sa tamang nutrisyon, mahalaga rin ang sapat na tulog, pag-iwas sa alcohol at tobacco, pagpa-practice ng yoga at meditation, at pananatiling walang stress.
“Mahalaga rin ang social connection. Ang suporta ng pamilya, kaibigan, at komunidad ay mahalaga para sa overall well-being,” dagdag pa niya.
Mga Senyales ng Delikadong Pagbubuntis
Kailangan alam ng mga ina ang danger signs lalo na kung high-risk ang pregnancy. Mas mataas ang risk kung ang ina ay below 17 years old o above 35 years old, o kung may lima o higit pang anak.
Mas komplikado rin ang pagbubuntis kung may hypertension, diabetes, asthma, heart disease, thyroid disorders, kidney disease, cancer, multiple pregnancies, o na-C-section na dati.
Buhay Bilang Bagong Ina
Pagkatapos manganak, critical pa rin ang care para sa health ng ina at anak. Karaniwang nararanasan ang postpartum baby blues, na may mood swings, anxiety, at hirap sa pagtulog.
Madalas ito magsimula within 2-3 days after delivery at pwedeng tumagal hanggang dalawang linggo. Ngunit kung mas severe at long-lasting, maaaring postpartum depression na ito.
Ilan sa mga sintomas ng postpartum depression ay severe mood swings, withdrawal, hirap makipag-bond sa anak, intense irritability, severe anxiety, extreme tiredness, at thoughts of self-harm.
“Kung mayroon kang mga ganitong sintomas, agad na magpakonsulta sa healthcare provider o OB-Gyne,” dagdag ni Rilloraza.
Pagpupugay sa Self-Care at Well-being
Marami ang nahihirapan maglaan ng oras para sa sarili, lalo na ang mga bagong ina. Ipinunto ni Rilloraza ang kahalagahan ng self-care para sa kalusugan ng ina at anak.
“Hindi kailangang mahal ang self-care. Kailangan lang mahanap ang tamang balanse sa pag-aalaga ng anak at sarili,” aniya.
Ang sapat na tulog, pakikipagkita sa mga kaibigan, pag-declutter ng bahay, at pagkatuto ng bagong hobbies ay nakakaapekto sa mental, physical, emotional, spiritual, at social health.
“Ang pag-prioritize sa sarili ay may health benefits din. Binabawasan nito ang risk ng future medical issues gaya ng heart disease. Ang pangangalaga sa sarili ang unang hakbang sa pangangalaga sa iba,” pagtatapos ni Rilloraza.