— Abangan ang pagbabalik ng Luzon series ng ICTSI Junior PGT Match Championship sa prestihiyosong Luisita Golf and Country Club sa Tarlac ngayong Martes. Mahigit 60 na batang golfista ang sasabak sa isa sa mga pinakamahirap na golf courses sa bansa, ang Luisita, na dinisenyo ng kilalang si Robert Trent Jones Sr.
Ang Luisita ay kilala sa masisikip nitong fairways at water hazards sa 11 butas, dagdag pa ang sleek na surface na tiyak na magtutulak sa mga manlalaro na magpakitang gilas at gumamit ng matinding diskarte. Dito rin ginanap ang mga kilalang events tulad ng Philippine Open, Asian Tour, at Philippine Golf Tour Asia, at ito rin ang tahanan ng President’s Cup.
Sa laban na ito, aasahan ang matinding kumpetisyon sa apat na age groups: 8-9, 10-12, 13-15, at 16-18, kung saan bawat isa ay mag-aagawan hindi lang sa karangalan kundi pati sa mahalagang ranking points. Ilan sa mga inaabangang players sa 8-9 division ay sina Athena Serapio at Zoji Edoc, habang sa 10-12 category ay sina Aerin Chan, Brianna Macaset, Georgina Handog, Kelsey Bernardino, Casedy Cuenca (girls), at sina Luis Espinosa, Ryuji Suzuki, at Jacob Casuga (boys).
Para naman sa 13-15 age group, aasahan sina Lisa at Mona Sarines, Precious Zaragosa, at Montserrat Lapuz (girls), at sina Jose Carlos Taruc, Santi Asuncion, at Matthias Espina (boys). Sa 16-18 division, magpapakitang-gilas sina Rafa Anciano, Chloe Rada, Lia Duque, Angelica Bañez (girls), at sina Mark Kobayashi at Zachary Villaroman (boys).
Sa Luzon series, ang top four scores mula sa bawat player ang bibilangin, at ang pinakamahusay na apat sa bawat category ang mag-aadvance sa finals na nakatakda sa Oktubre 1-4 sa The Country Club. Tatlumpu’t dalawang qualifiers mula sa Visayas at Mindanao series ang sasali rin.
Para sa mga manlalarong sasabak sa iba’t ibang serye ng nationwide circuit na inorganisa ng Pilipinas Golf Tournaments Inc., tatlong pinakamataas na resulta lamang ang bibilangin, at ang nangunguna sa bawat age category ang uusad sa Match Play finals.
Matapos ang Luisita leg, magpapahinga ng isang linggo ang non-profit circuit na itinaguyod ng ICTSI para sa grassroots development ng sport, at magpapatuloy sa Mount Malarayat Golf and Country Club sa Lipa City, Batangas mula Setyembre 2-5. Ang huling yugto ay gaganapin sa Sherwood Hills sa Cavite mula Setyembre 10-13.
Para sa karagdagang impormasyon at pagpaparehistro, kontakin sina Jhi Castillo sa 0928-316-5678 o Shiela Salvania sa 0968-311-4101.
Bukod sa mga nabanggit na manlalaro, panoorin din sina Tyra Garingalao, Venus delos Santos, Amiya Tablac, Jesus Yambao at Isonn Angheng (8-9); Althea Bañez, Makayla Verano, Sofia Karpa, Quincy Pilac, Iñigo Gallardo, Nathan Yeung, at Vince Tablac (10-12); Kendra Garingalao, Monica Angheng, Zyriel Datuin, Janneia Mataban, John Paul Agustin, Jr. (13-15); at Rafael Mañaol, Alonso Espartero, Rolly Duran, Von Tablac, Francis Slavin, at Andrew Magadia sa boys' 16-18 class.
READ: Malixi Eyes Pro Golf, 2028 Olympics