—Naitala ng Department of Health (DOH) ang nakakabahalang pagtaas ng kaso ng typhoid fever sa Metro Manila ngayong taon, ayon sa pinakabagong datos mula sa Metro Manila Center for Health Development (MMCHD).
Mula Enero 1 hanggang Nobyembre 9, may kabuuang 361 na kaso ng typhoid fever ang naitala—mas mataas ng 23.37% kumpara sa parehong panahon noong 2023, na may 278 na kaso lamang.
“Sa datos, karamihan sa mga pasyente, o 199, ay mga lalaki. Pinakamarami ang kaso sa Quezon City na umabot sa 62,” ayon sa ulat ng DOH-MMCHD.
Batang Paslit, Apektado Rin
Pinakamalaking porsyento ng mga kaso ay mula sa mga batang edad 0 hanggang 4 na taon, na bumubuo sa 15.51% o 56 pasyente.
Ang typhoid fever ay dulot ng bacteria na Salmonella Typhi na kumakalat sa kontaminadong pagkain, tubig, o malapitang kontak sa taong infected.
Cholera Cases, Walang Paggalaw
Samantala, nananatiling parehong bilang ang naitalang cholera cases kumpara noong nakaraang taon—siyam na kaso mula Enero hanggang Nobyembre, karamihan sa mga ito (66.67%) ay naitala sa Maynila.
“Pareho lang sa nakaraang taon; walang pagbabago,” pahayag ng DOH-MMCHD.
Ang cholera ay sanhi ng Vibrio cholerae bacteria, na kumakalat din sa kontaminadong tubig at pagkain.
Paalala at Babala
Hinikayat ng DOH ang publiko na maging mapanuri sa iniinom at kinakain upang maiwasan ang mga sakit na ito. “Malinis na tubig at tamang preparasyon ng pagkain ang pangunahing proteksyon,” dagdag pa nila.