—Pasabog ang inaasahan sa PBA Governors’ Cup Finals, lalo na sa mga guard positions. Isa sa mga pinaka-aabangang bakbakan ay ang sagupaan ng Barangay Ginebra’s rookie sensation na si RJ Abarrientos at ang veteran TNT legend na si Jayson Castro.
“Excited talaga ako makita at makaharap si Jayson. Simula high school, siya na ang iniidolo ko. College days ko pa lang, talagang hanga na ako sa kanya, kaya sobrang excited ako,” pahayag ni Abarrientos matapos manalo ang Ginebra sa Game 6 kontra San Miguel Beer.
Para kay Abarrientos, malaking motivation ang makaharap ang isang legend tulad ni Castro. “Motivation ko 'to, at inaabangan ko na ang matchup namin.”
Sa darating na Linggo, ang Game 1 ng Finals ay unang pagkakataon na magtatapat sina Abarrientos at Castro ngayong conference. Sa bagong format ng PBA, hindi naglaban ang Ginebra at TNT sa elimination round, kaya’t ngayon lang sila magkikita.
Bagama’t halatang excited si Abarrientos sa laban nila ni Castro, nilinaw ng dating FEU star na hindi siya masyadong nakatutok sa individual na laban nila ni Castro. “Hindi ako masyado tutok sa matchup namin ni Jayson, kasi Ginebra vs TNT ito, hindi lang ako laban kay Jayson.”
Hindi nakalimutan ni Abarrientos ang kanilang nakaraang encounter ni Castro, noong magkalaro sila sa Gilas. “Nung nasa Gilas ako sa 3x3, siya naman sa 5x5. Bago magsimula ang practice, nilapitan niya ako at sinabihan ng, ‘Ikaw na susunod, okay?’ Nakaka-excite marinig yun galing sa kanya.”
At totoo nga, nakasama na rin ni Abarrientos ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup noong 2021.