— Bagong COVID variant na "FLiRT" nadiskubre sa bansa, ngunit ayon sa Department of Health (DOH), mababa pa rin ang panganib.
Nitong Martes, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa bagong Omicron subvariants. Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na ang Philippine Genome Center ng Unibersidad ng Pilipinas ang nag-ulat ng pagkakaroon ng 30 kaso ng JN.1 at tig-dalawang kaso ng JN.1.18 at KP.2.
Ayon sa DOH, ang unang sample ng JN.1 sa Pilipinas ay nakuha noong Nobyembre 2023, samantalang Mayo 2024 naman ang sa KP.2. Posible umanong may naunang kaso ng KP.2 na hindi agad na-detect dahil sa limitadong sequencing.
Kabilang ang mga subvariant na JN.1.7, JN.1.18, KP.2 at KP.3 sa mga variant under monitoring, na pawang mga descendant ng JN.1. Ang KP.2 at KP.3 ay kilala rin bilang “FLiRT” variants.
Bagaman tumaas ng bahagya ang bilang ng mga kaso, sinigurado ng DOH na nananatiling mababa ang COVID risk sa lahat ng rehiyon. Sa datos mula Mayo 21-27, ang kabuuang bilang ng kaso ay 2,235, habang 319 ang daily average. Mas mataas ito kumpara sa naunang linggo, ngunit mas mababa pa rin sa halos 500 kada araw noong simula ng taon, at 1,750 kada araw noong kalagitnaan ng Mayo 2023.
Bumaba rin ang bilang ng severe at critical COVID cases na na-admit sa mga ospital. Sa linggong iyon, 22 ang severe o critical cases, habang 20 fatalities ang naitala, lima sa mga ito ay naganap mula Mayo 14-27. Tanging 185 o 10 porsiyento lamang ng mga COVID admissions ang severe at critical.
“Ang pagkakatuklas ng bagong variants at ang bahagyang pagtaas ng mga kaso ay tumutugma sa international observation na ang mga bagong variant under monitoring ay clinically mild at manageable,” ani ng DOH. Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOH sa mga international health authorities para bantayan ang mga bagong variant.
Pinapayuhan ng DOH ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health protocols. Inirekomenda ang tamang paggamit ng face masks, madalas na paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa matataong lugar, at pananatili sa mga lugar na may sapat na bentilasyon.
Sa patuloy na monitoring at kooperasyon, nananatiling handa ang Pilipinas sa anumang banta ng COVID-19.