— Nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) si Tropical Storm Ferdie (international name: Bebinca), ngunit ang habagat na pinapalakas nito ay magdadala pa rin ng malalakas na ulan sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, alas-2 ng madaling araw kanina, Sabado, Setyembre 14, nang lumabas si Ferdie ng PAR. Sa pinakahuling ulat ng ahensya bandang 5 AM, natagpuan ang bagyo sa layong 1,210 kilometro silangan-hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon.
Ang bagyong ito ay kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph, taglay ang hanging umaabot sa 85 kph at bugso hanggang 105 kph.
Banta ng Malalakas na Hangin
Ang habagat na pinalakas ng bagyo ay magdudulot ng malalakas na bugso ng hangin, lalo na sa mga sumusunod na rehiyon:
- Sabado: Batangas, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Caraga, Hilagang Mindanao, Zamboanga Peninsula, BARMM, at Davao Region.
- Linggo, Setyembre 15: Parehong mga rehiyon.
- Lunes, Setyembre 16: MIMAROPA, Bicol, Visayas, Caraga, Hilagang Mindanao, Zamboanga Peninsula, at Davao Region.
Babala sa Dagat
Nagbabala ang PAGASA sa mga mangingisda tungkol sa moderate hanggang rough seas, lalo na sa mga kanlurang baybayin ng Palawan at Occidental Mindoro kung saan aabot ang alon hanggang 4 metro. Sa ibang bahagi ng Visayas, Mindanao, at Palawan, posibleng umabot ang alon hanggang 3.5 metro.
Pinapayuhan ang mga maliliit na sasakyang pandagat, lalo na ang mga motorbanca, na huwag munang pumalaot lalo na kung hindi bihasa o kulang ang kagamitan.
Saan Tatama si Ferdie?
Sa labas ng PAR, inaasahan na ang direksyon ni Ferdie ay patungo sa Okinawa, Japan, at East China Sea. Posible itong maging severe tropical storm ngayong Sabado, at may posibilidad pang maging isang typhoon.