— Tuloy-tuloy ang pag-usad ng Bagyong Leon (Kong-Rey) sa kanlurang bahagi ng Philippine Sea, at dala nito ang malalakas na ulan at hangin na maaaring makaapekto sa ilang bahagi ng Luzon ngayong linggo.
Ayon sa huling update ng PAGASA ngayong alas-11 ng umaga, posibleng itaas na ang Signal No. 1 sa ilang lugar sa Luzon, partikular na sa Cagayan Valley at hilagang-silangang bahagi ng Bicol, pagdating ng Linggo ng gabi.
Sa ngayon, tinatayang nasa 1,075 kilometro silangan ng Central Luzon ang sentro ng bagyo. Taglay nito ang hangin na umaabot sa 65 kph malapit sa sentro at bugso na aabot sa 80 kph, habang mabilis itong umuusad pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kph.
Pagbuhos ng Ulan at Malalakas na Hangin
Posible ring maapektuhan ng mga rainbands ni Leon ang Extreme Northern Luzon habang patuloy itong kikilos pahilaga-hilagang kanluran. Kasama rin sa epekto ng bagyo ang pinalakas na habagat na dala ng Tropical Storm Trami, na magdudulot ng mas malakas na hangin sa Visayas, Mindanao, at ilang bahagi ng Southern Luzon.
Bagamat wala pang tropical cyclone wind signal na inilalabas, posible ring itaas ang Signal No. 2 depende sa galaw ni Leon.
Inaasahang maapektuhan ng malalakas na hangin ang mga sumusunod na lugar sa mga susunod na araw:
- Linggo, Oktubre 27: Palawan, Romblon, Catanduanes, Sorsogon, Masbate, halos buong Visayas, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Camiguin.
- Lunes, Oktubre 28: Batanes, Babuyan Islands, Batangas, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Northern Mindanao, at Caraga.
- Martes, Oktubre 29: Aurora, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Camiguin.
Kondisyon sa Karagatan
Inaasahang magiging maalon ang mga dagat sa iba't ibang baybayin, na delikado sa maliliit na sasakyang pandagat. Pinapayuhan ang mga mangingisda sa kanlurang bahagi ng Luzon at mga karatig-dagat sa Northern Luzon, Catanduanes, Northern Samar, at Eastern Samar na maging maingat.
Posibleng Track at Lakas ng Bagyo
Ayon sa forecast, inaasahang magpapatuloy ang westward na galaw ni Leon sa Linggo bago ito lumiko pahilaga sa Lunes at Martes. Sa kalagitnaan ng linggo, maaaring dumikit ito o mag-landfall malapit sa southwestern Ryukyu Islands ng Japan.
May posibilidad din na tuluyang lumakas si Leon sa pagiging severe tropical storm sa Lunes at typhoon sa Martes habang papalapit ito sa hilagang Philippine Sea.