Nagpaalala ang Anti-Cybercrime Group (ACG) ng PNP sa mga magulang na maging mas mapagbantay sa online activities ng kanilang mga anak. Ayon kay Brig. Gen. Ronnie Francis Cariaga, ACG director, mahalaga ang patnubay ng magulang sa paggamit ng cell phones at gadgets ng mga bata.
"Mga magulang, dapat laging gabayan ang mga anak niyo sa paggamit ng mobile phones at pag-engage sa online activities," sabi ni Cariaga sa isang pahayag.
Ang babala ay kasunod ng insidente noong Agosto 4 kung saan tatlong bata sa Sta. Mesa, Maynila—isang walong taong gulang na lalaki at mga kapatid niyang babae na edad pito at tatlo—ay hindi sinasadyang nag-upload ng maselang video sa TikTok gamit ang cellphone ng kanilang ina. Ang video ay agad inalis matapos itong i-report ng TikTok sa National Center for Missing and Exploited Children sa pamamagitan ng Department of Justice’s cybercrime office.
Agad na rumesponde ang mga operatiba ng ACG kasama ang mga social welfare workers para sagipin ang mga bata. Ayon kay Lt. Wallen Mae Arancillo, tagapagsalita ng ACG, hindi alam ng mga magulang na may ganitong aktibidad ang kanilang mga anak. Sinusuri pa ng mga imbestigador kung may maaaring isampang kaso laban sa mga magulang at kung kaya nilang alagaan ng maayos ang mga bata.