— Pasabog ang ipinakita ni Javie Bautista, isang 12-anyos na golf prodigy mula sa Pilipinas, matapos siyang pumangalawa sa Malaysian International Junior Open 2024 nitong weekend sa Tanjung Puteri Golf Resort, Johor.
Sa ilalim ng maalon at mahangin na kondisyon, nagpakita si Bautista ng tibay at tamang diskarte. Tumapos siya ng back-to-back rounds na 71 para sa kabuuang 142—dalawang stroke lang ang pagitan mula sa kampeon na si Ryusei Kuroiwa ng Japan na nagtala ng 68-72 para sa 140 sa boys’ 10-12 category.
“Iba ‘yung feeling na makalaro ang mga pinakamagaling sa mundo,” ani Bautista. “Marami akong natutunan, at excited akong i-improve pa ang laro ko.”
Kasama sa laban ang 52 na top junior golfers mula Korea, Vietnam, Thailand, China, Singapore, at India, ngunit hindi natinag ang batang Atenista. Nag-deliver siya ng clutch birdies sa Nos. 15 at 16 at nagtapos nang may matatag na pars, sapat para maagaw ang ikalawang pwesto.
Naging dramatiko ang kanyang laban kay Nguyen Quoc Bao Huy ng Vietnam na pansamantalang umagaw ng posisyon. Sa crucial moments, nagpakita si Bautista ng malalim na pag-iisip at diskarte. Sa No. 14, matapos magmintis ng birdie, nag-adjust siya ng strategy sa tulong ng mentor niyang si Vincent Osmeña.
Sa No. 16, nagdesisyon siyang palitan ang kanyang 8-iron ng 7-iron upang labanan ang malalakas na hangin. Ang resulta? Isang napakagandang approach shot na nag-set up ng pitong-talampakang birdie putt para ma-secure ang kanyang spot.
Sa huli, naipanalo niya ang countback laban kay Nguyen matapos magtapos ng matibay na backside 34. Hindi lang ito panalo para sa kanya kundi patunay ng kanyang kahandaan sa mga high-pressure na sitwasyon at potensyal bilang global golf sensation.
Samantala, nagpakita rin ng gilas ang iba pang Pinoy golfers. Si Jared Saban tumapos sa ika-pitong pwesto (149), Luis Espinosa sa ika-11 (151), at Edward Guillermo sa ika-15 (154).
Bagamat runner-up lang ang titulo, ang galing na ipinamalas ni Bautista ay siguradong ikakaproud ng buong Pilipinas—isang hakbang papunta sa pagiging elite golfer sa mundo.
READ: High-Stakes Battles Await at ICTSI TCC Match Play