— Halos makapasok sa Top 10 si Bianca Pagdanganan sa Lotte Championship sa Oahu, Hawaii, matapos magtala ng dalawang-under-par 70 sa huling round nitong Sabado.
Nagbabadya ng mainit na pagtatapos si Pagdanganan matapos ang kanyang impressive na 67 sa third round. Sa huling round, kumana siya ng dalawang birdies at tumapos nang walang bogey sa Hoakalei Country Club. Ngunit kinapos ng isang stroke para makapasok sa Top 10, nagtapos siya sa joint 11th na may kabuuang 279.
Bagamat hindi nakasama sa Top 10, ang Top-11 finish na ito ay pumapangalawa sa kanyang pinakamagandang puwesto ngayong taon, sunod sa kanyang 7th place finish noong Mizuho Americas Open noong Mayo. Dahil dito, naiuwi niya ang $52,713 o mahigit P3.08 milyon.
Samantala, ang kapwa niya Pilipina na si Clariss Guce ay nagtala ng 77 sa final round at nagtapos sa ika-64 sa score na six-over 294, na may premyong $7,049 o humigit-kumulang P412,000.
Sa Mexico naman, bumaba sa 21st si Rico Hoey matapos ang score na 69 sa World Wide Technology Championship sa El Cardonal, Diamante, sa Moving Day na may kabuuang 10-under 206.