— Hindi kinaya ng Meralco Bolts ang matinding laban kontra Ryukyu Golden Kings sa kanilang unang talo sa East Asia Super League (EASL) Season 2, 77-74, Miyerkules ng gabi sa Okinawa Arena, Japan.
Bagamat panalo ang Bolts sa kanilang season opener laban sa Macau Black Bears, hindi nila nakuha ang parehong resulta sa away game na ito. Si Victor Law ang nanguna para sa Ryukyu na may 18 puntos at 12 rebounds, habang si Jack Cooley ay nag-ambag ng 18 puntos at 7 rebounds.
Malaki ang naging kalamangan ng Golden Kings matapos ang isang mainit na second quarter, mula sa 23-20 lead ay umangat ito sa 51-35 pagdating ng halftime. Pinaabot pa ng Ryukyu ang kalamangan sa 19 puntos, 56-37, bago sinubukang buhayin ng Bolts ang laro sa pamamagitan ng 11 sunod-sunod na puntos, pinangunahan ni DJ Kennedy na nagbigay sigla muli sa Meralco, binaba ang kalamangan sa 48-56.
Patuloy na humabol ang Bolts hanggang sa dulo, mula sa 66-77 deficit ay nagawang ibaba sa tatlong puntos, 74-77, matapos ang free throws ni Allen Durham na dating manlalaro ng Ryukyu, may natitirang 42 segundo.
Nabigyan pa ng chance si Durham para magtabla ng laro, ngunit na-block ni Law ang kanyang 3-point attempt sa huling segundo, kaya naselyo ng Golden Kings ang panalo.
Si Yoshiyuki Matsuwaki at Yoshiya Uematsu ay kapwa nag-ambag ng 9 puntos para sa Ryukyu, na kasalukuyang nangunguna sa Group B. Si Kennedy naman ang best player ng Meralco na may 30 puntos at 12 rebounds, samantalang sina Durham at Chris Newsome ay may tig-18 puntos para sa Bolts, na ngayon ay may 1-1 record sa Group B.
Sa kabilang banda, tinalo ng Hiroshima Dragonflies ang Hong Kong Easter, 78-67, sa Group A match din noong Miyerkules.
READ: Beermen at Bolts, Handang Makipagsabayan sa EASL Season Opener!