— Kakaibang pagkakataon para kay Filipino gymnast Carlos Yulo na makapagdala ng medalya sa Olimpiyada matapos siyang mag-qualify sa tatlong events ng men’s artistic gymnastics sa Paris 2024.
Matapos ang conclusion ng tatlong subdivisions nu’ng Linggo ng umaga (Manila time), pumasok si Yulo sa all-around final na may kabuuang score na 83.631, sapat para makuha ang ikasiyam na puwesto.
Pasok ang top 24 gymnasts sa championship round ng kompetisyon.
Ang 24-anyos na atleta ay hindi rin nawalan ng pwesto sa final ng floor exercise at vault. Nagtapos siya na may score na 14.766 sa floor exercise at 14.683 sa vault, na ikalawa at ikaanim na puwesto, ayon sa pagkakasunod.
Ang top eight na atleta sa bawat apparatus ang nakakuha ng ticket papuntang final.
Sa kanyang unang stint sa Tokyo Olympics, nagawa lamang niyang makapasok sa vault final, kung saan nagtapos siya sa ikaapat na puwesto. Sa pagkakataong ito, kitang-kita ang kanyang relaxed at mas confident na routines.
Ang men’s all-around final ay naka-iskedyul sa Hulyo 31, Miyerkules, sa ganap na 11:30 p.m. (Manila time).
Samantala, ang men’s floor exercise ay magaganap sa Agosto 3 sa ganap na 9:30 p.m., habang ang vault ay sa Agosto 4 sa ganap na 10:24 p.m.
Si Yulo ay nakapagtala rin ng scores na 13.066 sa pommel horse, 13.000 sa rings, 14.533 sa parallel bars, at 13.466 sa horizontal bar.