— Pinag-iisipan ng Couples for Christ (CFC) na sumanib sa isang party-list group sa darating na midterm elections ng Mayo 2025, habang naghihintay ng pagsang-ayon ng Senado ang absolute divorce bill.
"Ano po, posible na hindi lang kami magtatatag ng sariling party-list, kundi makikipag-alyansa din kami sa mga kaparehas na party-lists. Inimbitahan na rin kami na sumali," sabi ni CFC president at chairman Jose Yamamoto noong Hunyo 22.
"Ito ay magbibigay sa amin ng kinatawan na magtatanggol sa adbokasiya para sa matatag na pagsasama, pamilya at buhay, at pagpapahalaga sa mga Filipino family values," dagdag pa niya.
Ang Pilipinas, isang secular state, ang natitirang bansa sa mundo maliban sa Vatican na hindi pa legal ang diborsyo.
Noong Mayo 22, pinagtibay ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9349 o ang absolute divorce bill, na may boto na 131-109 at 20 abstentions.
Ipinasa na ang panukala sa Senado para sa kanilang pag-apruba.
Ayon sa ulat, naglabas ng resolusyon ang international council ng CFC na nagpapahayag ng kanilang suporta.
"Ang kailangan na lang naming plantsahin ay ang uri ng pakikipagtulungan sa party-list," sabi ni Yamamoto.
Aniya, hindi nila nilalabag ang separation of church and state na nakasaad sa Konstitusyon dahil mga miyembro lang ng CFC, hindi ang buong komunidad, ang sasali sa party-list group.
Bagaman hindi mag-oorganisa ng block voting ang CFC, naniniwala si Yamamoto na pipili ang mga miyembro at publiko ng party-list group na nagtataguyod ng pro-life, pro-family at pro-Catholic values.
Ayon sa ulat, may humigit-kumulang 620,000 miyembro ang CFC sa Pilipinas.