CLOSE

Dalawang Sundalo, Napatay ng Kidlat Habang Nasa Misyon Laban sa Mga Rebelde sa Kalinga

0 / 5
Dalawang Sundalo, Napatay ng Kidlat Habang Nasa Misyon Laban sa Mga Rebelde sa Kalinga

Kinilala ng Philippine Army’s 5th Infantry Division (ID) ang dalawang nasawi na sina Cpl. Andrew Monterubio ng Gamu, Isabela, at PFC Inmongog Aronchay ng Sadanga, Mt. Province.

Baguio City — Dalawang sundalo ang nasawi habang nasa isang misyon laban sa mga komunistang gerilya sa hangganan ng mga bayan ng Pasil at Lubuagan sa Kalinga, hindi sa kamay ng mga rebelde kundi dahil sa kidlat noong nakaraang Linggo.

Ayon sa ulat, ang dalawa kasama ang iba pang miyembro ng kanilang platun ay naglalakad nang tamaan sila ng kidlat na agad ikinasawi ng dalawa.

Nasa apat pang sundalo ang nasugatan sa insidente. Kinilala ang mga ito na sina Sgt. Dennis Bananao ng Tanudan, Kalinga; PFC Melvin Danggalan ng Paracelis, Mt. Province; PFC Abegil Awingan ng Pinukpuk, Kalinga; at PFC Riel Angya ng Pasil, Kalinga.

“Nakakalungkot ang kanilang sinapit,” ani Major General Audrey Pasia, ang kumander ng 5th ID.

Binigyang-diin ni Pasia na ang sakripisyo ng dalawa ay magsisilbing inspirasyon sa buong dibisyon.

"Ang dalawang buhay na nasawi ng trahedya ay papalitan ng libu-libong sundalo na handang tanganin ang nabitawan nilang armas para ipagpatuloy ang sinumpaang ipagtanggol ang bandila ng Pilipinas at protektahan ang soberanya nito,” sabi ng opisyal ng militar.