— Dinurog ng Los Angeles Dodgers ang pag-asa ng New York Yankees sa isang makapigil-hiningang 7-6 na laban para maselyuhan ang 2024 World Series title, Miyerkules ng gabi (Huwebes sa Manila time). Sa pangalawang World Series crown nila sa limang taon at pang-walong beses sa kasaysayan ng franchise, nagtagumpay ang Dodgers matapos ang mala-pelikulang comeback mula sa 5-0 deficit.
Matapos ilista ng Yankees ang 11-4 panalo sa Game 4 para palawigin ang series, tila magbabalik sa Los Angeles para sa Game 6 ang laban. Sina Aaron Judge, Jazz Chisholm, at Giancarlo Stanton ang nagpakawala ng malalakas na homers na naghatid sa Yankees sa early five-run lead. Naghari naman si Yankees ace Gerrit Cole sa pitching, hindi pinaporma ang Dodgers sa unang apat na innings.
Ngunit sa fifth inning, tila nahulog ang buong laro ng Yankees sa mga errors na nagbigay-daan sa limang unearned runs ng Dodgers para maitabla ang score sa 5-5. Pagbalik ng Yankees sa lead sa ikaanim mula sa sac-fly ni Stanton, mabilis namang binawi ito ng Dodgers sa eighth inning—gamit ang magkasunod na sac-flys mula kina Gavin Lux at Mookie Betts para makuha ang 7-6 advantage.
Para sa huling tatlong outs ng laro, bumalik si Walker Buehler, ang Game 3 starter ng Dodgers, at sinelyuhan ang tagumpay na nagbigay ng kanilang World Series crown.