— Isinama na ng Department of Health (DOH) ang mpox sa listahan ng mga delikadong nakakahawang sakit sa bansa.
Ayon sa Department Circular 2024-0333, ang mpox ay napabilang sa Category I, kasama ang mga sakit tulad ng viral hepatitis (maliban sa Hepatitis A), Creutzfeldt-Jakob disease na walang necropsy, severe acute respiratory syndrome, avian influenza, invasive Group A Streptococcal infections, cholera, at iba pang nakakahawang sakit.
“Ang mga sakit na nasa Category I ay tinatandaan gamit ang yellow label sa katawan ng namatay na pasyente,” pahayag ng DOH.
Ibig sabihin nito, may mga partikular na guidelines na kailangang sundin ng health staff, mortuary staff, at mga kaanak sa paghawak ng mga labi ng nasawi. Mahigpit na ipinapayo ang minimal na paghawak sa katawan; dapat gumamit ng angkop na personal protective equipment ang mga lisensyadong staff kung may hygienic preparation na isasagawa, bagama't hindi ito inirerekomenda, at bawal ang embalming. Ang mga labi ay dapat ilibing o i-cremate sa loob ng 12 oras matapos ang kamatayan, ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo.
Sa Updated Interim Guidelines on the Prevention, Detection, and Management of mpox, binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa na ang paghawak sa labi ng mga nasawi na suspect, probable, o confirmed cases ng mpox ay dapat sumunod sa tamang infection, prevention, and control measures.
“Maghugas ng kamay at magsuot ng personal protective equipment ayon sa contact at droplet precautions (gloves, gown, respirator gaya ng N95 o FFP2, at eye protection) dahil ang mga pasyenteng may mga pantal na hindi pa gumagaling ay posibleng may dala pang infectious virus,” dagdag pa ni Herbosa.
READ: Mpox Tips: Ano'ng Kailangan Gawin?