— Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko dahil sa posibilidad ng pagtaas ng dengue cases sa bansa. Ayon sa DOH, ang bilang ng mga bagong kaso ng dengue kada linggo ay binabantayang mabuti dahil ang dating pababang trend ay nagsisimula nang tumigil.
“Maaaring ito na ang simula ng pagtaas ng mga kaso nationwide kung hindi natin lilinisin at tatanggalin ang mga stagnant water o mga tubig na maaaring pamugaran ng mga lamok na may dengue,” ayon sa pahayag ng kagawaran.
As of June 1, naitala ang 5,368 dengue cases, halos kapareho ng bilang na naitala dalawang linggo bago nito. Pitong rehiyon ang nag-ulat ng pagtaas ng kaso tatlong linggo bago ang Hunyo 1: Cordilleras, Ilocos, Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Caraga, Mimaropa, at Northern Mindanao.
Mula Enero hanggang Hunyo 1, nakapagtala ang DOH ng 70,498 dengue cases at 197 na pagkamatay.
“Lahat ng ospital at klinika ay pinapaalalahanang magsumite ng mga ulat agad-agad upang matiyak ang tamang bilang ng mga kaso at makatulong sa pagdedesisyon ng mga pampublikong kalusugan,” sabi ng DOH.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, “Mas maraming tubig, mas maraming pamugaran ng mga lamok na may dengue. Patayin ang mga lamok para mapigilan ang pagtaas ng dengue.”
Dulot ng virus na dala ng mga lamok ang dengue. Karaniwang sintomas nito ang mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pagkahilo at mga pantal. Maaari ring magkaroon ng sakit sa likod ng mga mata, pagsusuka at pamamaga ng mga glandula.
Para sa mga sintomas ng malalang dengue, kabilang ang pananakit ng tiyan, tuloy-tuloy na pagsusuka, mabilis na paghinga, pagdurugo ng gilagid at ilong, pagkapagod, pagkabalisa, dugo sa suka o dumi, matinding pagkauhaw, maputla at malamig na balat, at panghihina.
Pinapayuhan ng DOH ang publiko na magsuot ng long sleeves at pantalon, o gumamit ng mga mosquito-repellent lotion at spray.
“Magpatingin agad sa doktor kapag nakaranas ng lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pagkahilo, at mga pantal. Pumayag sa fogging kung kinakailangan,” dagdag ng DOH.
RELATED: Tumataas na Kaso ng Influenza at Dengue sa CAR, DOH Nababahala