— Kasado ang pagbubukas ng NBA season sa isang mainit na laban kung saan pinakita ni Luka Doncic ang kanyang galing, bitbit ang Dallas Mavericks para tambakan ang San Antonio Spurs, 120-109, sa American Airlines Center sa Texas noong Biyernes ng umaga (Manila time).
Nakalikom si Doncic ng malapit nang triple-double: 28 points, 10 rebounds, at walong assists, kahit hindi ganoon kataas ang shooting niya—9 sa 25 field goals. Si Klay Thompson naman ay nakapag-ambag din ng 22 puntos, pitong rebounds, tatlong steals, at isang assist sa kanyang debut game sa Mavericks, kasama ang 6 sa 10 tres mula sa labas.
Nagsimula ang laban ng dikdikan sa first half bago nakalayo ang Mavericks pagpasok ng third quarter. Umangat sila ng 10 puntos, 63-53, matapos ang free throws ni Thompson. Dito na tuluyang nag-init ang Mavericks sa final quarter.
Sa simula ng fourth quarter, binanatan ng Dallas ang Spurs sa isang 21-7 run, tinuldukan ng isang solidong dunk mula kay Derick Lively II para maselyuhan ang laro, 108-87, may 6:37 pang nalalabi. Nagpakawala ng tres si Julian Champagnie para sa Spurs, pero agad bumawi si PJ Washington ng sariling tres para itakda ang 111-90 lead ng Mavericks.
Bumwelo pa ang Spurs sa isang 15-5 run at napababa ang kalamangan sa 11 puntos, 116-105, sa natitirang 2:28, pero iniscore-an ni Washington ang isa pang putback layup na nagselyo ng panalo para sa Dallas.
Tumapos si Kyrie Irving ng 15 puntos, tatlong rebounds, dalawang assists, dalawang steals, at isang block para sa Mavericks. Si Lively ay nag-ambag din ng 15 puntos, 11 rebounds, at anim na assists habang may tig-11 puntos sina Jaden Hardy at Washington.
Sa panig naman ng Spurs, kumamada sina Jeremy Sochan at Julian Champagnie ng 18 puntos bawat isa, habang sina Victor Wembanyama at Harrison Barnes ay nagbigay ng tig-17 puntos.
Samantala sa Washington, dinomina ng Boston Celtics ang Wizards, 122-102. Nanguna si Jaylen Brown para sa Celtics sa kanyang 27 puntos, walong rebounds, apat na steals, at tatlong assists.
READ: Wolves Nakaisa Kontra Kings: Comeback sa Huling Segundo!