— Hindi naging matagumpay ang kampanya ni Filipina tennis sensation Alex Eala sa Guadalajara Open matapos siyang bumagsak agad sa unang round laban kay 6th seed Marie Bouzkova ng Czech Republic, na may score na 6-2, 6-2, Miyerkules (Manila time) sa Mexico.
Ang 26-anyos na si Bouzkova, na kasalukuyang ranked World No. 45, ipinamalas ang kaniyang karanasan laban sa mas batang si Eala, na World No. 147 pa lamang. Sa laban, umiskor si Bouzkova ng tatlong aces at humakot ng 35 service points, habang si Eala ay may 25 service points lamang.
Sa kabila ng pagkatalo, humakot naman ng 28 receiving points si Eala, malapit sa 32 ng kalaban.
Matapos makalusot sa qualifying rounds kontra kina Fanny Stollar ng Hungary at Samantha Sharan ng UK, proud pa rin si Eala sa kaniyang laro kahit hindi ayon sa inaasahan. "Sobrang saya pa rin maging bahagi ng Guadalajara, kahit na hindi ko nakuha ang resultang gusto ko," post ng 19-anyos na bronze medalist sa Asian Games sa Facebook.
Bago ang naturang tournament, natapos din ang kampanya ni Eala sa round of 16 ng Guadalajara 125 Open.