– Isang panalo na lang, at makakapasok na si Alex Eala sa US Open matapos niyang pataubin ang Spanish player na si Nuria Parrizas-Diaz sa isang intense match, 7-5, 7-5, nitong Huwebes ng umaga (Manila time).
Halos naabot na ng Filipina ang Grand Slam main draw — isang tagumpay na ilang beses niyang sinubukan sa Wimbledon at French Open pero nauntog sa third round ng qualifiers.
Mahirap ang naging laban para kay Eala, na Asian Games bronze medalist, lalo na't hindi nagpapatalo si World No. 99 Parrizas-Diaz. Nagpalitan sila ng puntos hanggang umabot sa 5-all, pero sa ika-11 game, nakapuntos si Eala at nakuha ang kalamangan.
Sa parehong pattern, nakalamang si Eala sa second set, 5-4, pero muling bumawi si Parrizas-Diaz, tabla ulit sa 5-all. Ngunit nang makuha ni Eala ang 6-5 lead, isang crucial error ng Spaniard ang nagbigay ng panalo sa Filipina.
Sa kabila ng halos pantay na laban, nanaig si Eala sa kanyang receiving game, nakuha ang 41 puntos laban sa 26 ng kalaban. Susunod na haharapin ng 19-year-old Filipina si Elena-Gabriela Ruse ng Romania sa final round ng qualifiers. Isa na namang mabigat na laban ito para kay Eala, lalo’t mas mataas ang ranggo ni Ruse, World No. 123.