– Bago sumabak sa Paris Olympics, nakatanggap ng P500,000 bonus ang 15 atletang Pilipino mula kay Sen. Bong Go sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission.
"Alam niyo, huwag kayo magpasalamat sa amin," ani Go kay Tokyo silver medalist Nesthy Petecio nang pasalamatan siya nito sa turnover ceremony ng mga insentibo sa Rizal Memorial Sports Complex noong Biyernes.
"Idol Nesthy (Petecio), sa totoo lang, kami dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan niyo kami ng pagkakataong makapag-serbisyo sa inyo dahil hindi namin pababayaan atleta," dagdag pa niya.
Maliban kay Petecio, present din sina Carlo Paalam, Hergie Bacyadan, Aira Villegas, Carlos Yulo, Vanessa Sarno, Elreen Ando, John Ceniza, at Joannie Delgaco upang tanggapin ang kanilang maagang bonus.
Bagamat wala sa turnover event, sina pole-vaulter EJ Obiena, boxer Eumir Marcial, fencer Sam Catantan, at gymnasts Aleah Finnegan, Levi Ruivivar, at Emma Malabuyo ay makakatanggap din ng parehong halaga.
Ang mga iba pang makakapasok sa Paris cut ay makakatanggap rin ng bonus na ito. Para sa mga Paralympics-bound na atleta tulad nina Angel Otom, Ernie Gawilan, at Allain Ganapin, kasama rin sila sa mabibigyan ng insentibo.
Mas marami pang premyo ang naghihintay kung makakasungkit sila ng ginto sa French capital.
“Grabe po ang supporta na binigay niyo, sana patuloy niyo po kaming suportahan,” ani Petecio.