– Malaking laban ang parating sa Mobile Legends Bang Bang (MLBB) Mid-Season Cup (MSC), na naglalaman ng napakalaking premyong $3 milyon. Ang mga Pinoy team na ECHO at Falcons AP Bren, sabik makuha ang MSC title, isang tagumpay na kulang pa sa kanilang karera.
Magiging pinakamalaking MLBB event na ang MSC ngayong taon, na may premyong $3 milyon o halos P57 milyon! Pero, higit pa sa pera, ang titulo ang pinakaaasam ng mga Pinoy pro players na maglalaban sa Riyadh.
Ayon kay Archie “Tictac” Reyes, head coach ng Team Liquid ECHO, “missing piece” ang MSC title para sa kanilang team. Kumbaga, ito na lang talaga ang kulang sa kanilang koleksyon. “Missing piece. Ito na lang yung kulang ng team at kay Karl. Ang tagal na ni Karl sa liga, ito na lang talaga ang wala niya,” paliwanag ni Reyes. Si Karl "KarlTzy" Nepomuceno ay may Southeast Asian Games gold medal na rin sa MLBB.
Marami nang napanalunan ang Team Liquid ECHO, gaya ng dalawang Mobile Legends Professional League (MPL) Philippines titles at ang M4 World Championship noong 2023 sa Jakarta. Pero, ang MSC pa rin ang hinahanap-hanap nilang tropeo.
Ganito rin ang sitwasyon ng Falcons AP Bren. Noong nakaraang taon, nag-world tour sila ng mga championship titles, napanalunan ang MPL Philippines at M5 World Championship sa harap ng Pinoy crowd. Pati na rin ang MLBB event sa 2024 Games of the Future sa Kazan, Russia.
Ang head coach ng Falcons AP Bren, si Francis "Ducky" Glindro, at ang kanyang mga players na sina David "FlapTzy" Canon at ang iba pang main five, ay bahagi rin ng MLBB Men's Sibol team na nag-uwi ng ginto sa 32nd Southeast Asian Games MLBB event at sa 15th World Esports Championship ng International Esports Federation.
"Sa akin, parang sobrang sarap sa feeling na mag-champion. Kasi yun na lang din yung kulang, MSC na lang. Makukompleto na yung major tournaments na nag-champion [kami]," sabi ni David "FlapTzy" Canon.
Magsisimula ang MSC group stages sa July 3, kung saan makakatapat ng Falcons AP Bren ang Chinese team na Xianyou Gaming alas-4 ng hapon (Manila time); at ang Team Liquid Echo naman ay lalaban sa Twisted Minds ng Saudi Arabia alas-7 ng gabi (Manila time).