– Nahaharap ngayon sa mabigat na kaso ang dating Toronto Raptors player na si Jontay Porter dahil sa umano’y pakikisangkot niya sa isang malaking betting scandal na nagresulta sa kanyang habang-buhay na ban mula sa NBA. Ayon sa mga dokumento mula sa pederal na mga prosekutor sa New York, isang felony charge ang posibleng kaharapin ni Porter, bagamat wala pang eksaktong detalye ukol sa kung ano ang mga partikular na kaso.
Bukod kay Porter, apat pang indibidwal ang kinasuhan kaugnay ng naturang kaso. Pinaniniwalaang nagkutsaba silang lahat para lokohin ang isang online sports betting company, kung saan alam na nila na maagang lalabas sa laro si Porter dahil sa health reasons, kaya’t nakapagbulsa sila ng mahigit isang milyong dolyar.
Si Porter, na nakababatang kapatid ng Denver Nuggets star na si Michael Porter Jr., ay pinatawan ng habang-buhay na ban mula sa NBA noong Abril matapos matuklasan sa imbestigasyon ng liga na siya’y tumaya sa mga laro ng NBA.
Bagamat hindi gaanong sumikat sa NBA, nakapaglaro si Porter ng 37 games mula 2020-2021 hanggang 2023-2024 season, at kumita ng halos $2 milyon sa kanyang stint kasama ang Memphis Grizzlies at Toronto Raptors.
"Sa media day ng Detroit Pistons sa Little Caesars Arena noong Oktubre 2, 2023, nag-pose pa si Porter para sa isang portrait," ayon sa ulat.