-- Isang makasaysayang laro ang pinamalas ng Gilas Pilipinas, subalit kinapos pa rin laban sa Türkiye, 84-73, sa isang friendly match nitong madaling araw ng Biyernes (oras sa Manila).
Nanguna si Tarik Biberovic para sa Türkiye na may 23 puntos, samantalang nagdagdag si Can Korkmaz ng 12 puntos.
Nangunguna pa ang Gilas sa ikatlong yugto ng laban, 44-42, matapos ang dalawang free throws ni June Mar Fajardo.
Subalit lumayo agad ang Türkiye at nagpakawala ng 13-3 run upang lumamang ng walo, 55-47, matapos ang tres ni Korkmaz.
Sa ikaapat na yugto, napalapit pa ng Pilipinas ang iskor sa tatlo, 65-68, matapos ang isang triple ni Justin Brownlee, ngunit hindi na pinakawalan ng mga Turko ang kanilang kalamangan.
Pumalo sa labing isang puntos ang kalamangan, 76-65, matapos ang isang trey ni Biberovic, pero sinagot ito ng Gilas sa pamamagitan ng 8-2 blitz upang mapalapit sa lima, 73-78, sa huling dalawang minuto ng laban.
Tinuldukan nina Biberovic at Sertac Sanli ang laban sa pamamagitan ng magkasunod na tres.
Pinangunahan ni Brownlee ang Nationals na may 21 puntos, limang rebounds at isang assist. Si June Mar Fajardo naman ay nag-ambag ng 17 puntos at 11 rebounds.
Sinabi ni Head Coach Tim Cone na hindi mahalaga ang panalo o talo sa mga friendly games, kundi ang makita ang pag-usbong ng koponan.
Susunod na haharapin ng Gilas ang World No. 15 na Poland sa Linggo (oras sa Manila) bago ang FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Sa qualifiers, makakaharap ng Pilipinas ang Latvia at Georgia para sa pagkakataong makapasok sa Paris Olympics.