– Habang papalapit ang FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT), asahan na ng Gilas Pilipinas ang matitinding tune-up games laban sa Turkiye at Poland, ayon kay head coach Tim Cone.
Sa darating na ilang araw, makakaharap ng Gilas ang dalawang koponan sa mga exhibition matches bago nila makasagupa ang Latvia at Georgia sa OQT sa Riga.
"Sobrang challenging ng mga ito para sa atin. Magandang paghahanda ito para sa laban natin sa Latvia at Georgia at kung sino man ang makakatapat natin sa qualifiers," ani Cone. "Gusto ko ito. Ang Poland ay No. 15 sa mundo kaya magbibigay sila ng magandang pagsubok, at ang Turkiye ay No. 24 pero mas malakas sila kung nandiyan ang mga NBA players nila."
Inamin din ni Cone na ang Poland ay naghahanda para sa OQT sa Valencia habang ang Turkiye naman ay naghahanda para sa Euro qualifiers, kaya posibleng buo ang kanilang team.
Nitong Lunes, tinalo ng Nationals ang Taiwan Mustangs, 74-64, sa isang exhibition game sa PhilSports Arena, Pasig City. Bagamat kontrolado ng Gilas ang laro, hindi nila tuluyang naiwan ang Mustangs. Umabot ng 17 puntos ang kalamangan ng Pilipinas sa third quarter, ngunit nabawasan ito ng Mustangs sa walong puntos sa fourth frame. Sa huli, napanatili ng Gilas ang panalo.
Inamin ni Cone na mahirap ang laban ngunit ito'y kailangan upang ihanda ang koponan sa mas matitinding kompetisyon. "Ito ang kailangan namin, kailangan naming mahirapan. Hindi namin gusto ng madali. Kung madali, hindi kami matutulungan nito. Masaya kami na mahirap ito," ani Cone pagkatapos ng laro.
Hindi naman inaasahan ni Cone na manalo laban sa Turkiye at Poland, ngunit umaasa siyang makikita ang improvements ng team bago ang qualifiers. "Sana makita natin na gumagaling tayo sa parehong depensa at opensa. Hindi pa tayo ganun katalas," dagdag niya.