– Bago ang FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT), haharapin ng Gilas Pilipinas ang Taiwan Mustangs sa isang send-off exhibition game sa Philsports Arena, Lunes ng gabi.
Ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa kanilang Facebook post, magtatapat ang Pilipinas at Taiwan Mustangs bilang bahagi ng paghahanda ng Gilas kontra sa mga higanteng Georgia at Latvia sa OQT sa susunod na buwan.
Magsisimula ang tune-up game ng alas-6 ng gabi, at libre ang pagpasok para sa mga manonood.
Inaasahang mangunguna si naturalized player Justin Brownlee para sa Nationals, kasama sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Chris Newsome, Calvin Oftana, Dwight Ramos, Scottie Thompson, Kai Sotto, Kevin Quiambao, at Carl Tamayo.
Hindi makakasama sa OQT sina Jamie Malonzo at AJ Edu dahil sa mga injuries, ngunit papalit naman sina Japeth Aguilar at Mason Amos.
Kasama sa Mustangs si dating PBA guard Alex Cabagnot, at pinapangunahan ito ni Coach Chris Gavina.
Ang may-ari ng Mustangs na si Dwight Howard, pati na sina DeMarcus Cousins at Quinn Cook na dating NBA players, ay kamakailan lamang sumali sa koponan para sa The Asian Tournament. Ngunit hindi pa tiyak kung makakalaro sila laban sa Gilas, ayon sa ulat ng Spin.ph.
Kailangan ng Gilas manalo sa parehong laro kontra Georgia at Latvia, o manalo ng may malaking lamang, para makapasok sa crossover semifinals.
Isa sa apat na natitirang slot para sa Paris Olympics ang nakataya sa OQT.