— Posibleng maging una sa kasaysayan ng NBA sina LeBron James at Bronny James na mag-ama na sabay maglalaro para sa Los Angeles Lakers ngayong season. Pero ayon kay bagong coach JJ Redick, nag-iisip pa rin ang Lakers kung kailan at paano isasakatuparan ang moment na ito.
"Wala pa kaming final na plano o commitment," ani Redick nang humarap siya at si Lakers General Manager Rob Pelinka sa mga reporters sa training facility. "Pinag-usapan namin ito bilang staff, at napag-usapan ang ilang specifics, pero wala pa talagang desisyon."
Sinabi ni Redick sa “The Lowe Post” podcast na inaasahan niyang mangyayari ang makasaysayang moment na ito “sooner rather than later.”
Pero mukhang uunahin ni Bronny, na magdiriwang ng kanyang ika-20 kaarawan ngayong Oktubre, ang paglalaro sa developmental G League, habang ang kanyang ama na si LeBron, kasama sina Anthony Davis at iba pang Lakers stars, ay tutok sa pag-champion ng team.
Si LeBron, na 39 anyos na, ay papasok sa kanyang ika-22 na NBA season. Noong nakaraang taon, nakapagtala siya ng 25.7 puntos, 7.3 rebounds, at 8.3 assists kada laro. Over the summer, pinangunahan din niya ang Team USA sa Paris Olympics at nag-uwi ng ginto.
Pagdating naman sa kondisyon ni LeBron, sabi ni Redick, mahalaga na gamitin ang husay ng superstar habang pinapanatili ang kanyang kalusugan sa buong challenging season.
"Alam naman nating lahat na malapit na siyang mag-40," dagdag ni Redick. "Pero sa mga pickup games, todo effort pa rin siya. Laging full speed."
May kwento si Pelinka na sa isang pickup game, nagkasagupaan ang mag-ama. "Na-switch si Bronny kay LeBron. Dinala ni LeBron ang bola sa baseline at nag-umandar ng under-the-glass shot. Mas matindi pa yung palitan ng salita nila kaysa sa laro!"
Natapos ang season ng Lakers na may 47-35 record pero na-eliminate agad sa first round laban sa Denver, kaya't natanggal si Coach Darvin Ham, at ipinasok si Redick bilang bagong coach noong Hunyo. Matagal na ang working relationship nina Redick at LeBron, pero ayon sa kanya, nasa early stages pa ang kanilang bagong coach-player dynamic.
"Hindi pa kami ganoon katagal magkasama kasi busy si LeBron sa USA Basketball nitong summer," dagdag niya. "Pero ngayon nasa gym na kami, lumalalim na rin ang aming komunikasyon."
READ: Derrick Rose Announces Retirement: NBA MVP Era Ends