– Maghahari ang tensyon sa UFC 302 sa darating na Linggo, Hunyo 2, sa Prudential Center sa Newark, New Jersey, sa pagbabanggaan nina Islam Makhachev at Dustin Poirier sa main event.
Si Makhachev, na may 28-5 record, ay kilala bilang isang halimaw sa lightweight division. Kasama si Khabib Nurmagomedov, siya ay bahagi ng "Russian invasion" sa UFC. Nakalista sa kanyang mga biktima ang ilang mga hinahangaang pangalan tulad nina Alexander Volkanovski, Charles Oliveira, at Bobby Green. Ang 32-anyos na Ruso ay may 11 panalo via submission at limang knockout, at kasalukuyang nasa 13-fight win streak. Ipinagtatanggol niya ang kanyang lightweight belt sa ikatlong pagkakataon kontra kay Poirier.
Sa kabilang panig, ang 35-anyos na si Poirier (30-8) ay nagtataglay ng malalakas na kamao. Mayroon siyang 16 na panalo sa knockout at pito sa submission, kabilang ang 13 na first-round finishes. Para kay Poirier, ang susi sa tagumpay ay ang makapagdulot ng malaking pinsala nang maaga. Kapag humaba ang laban, si Makhachev ay mas nagiging malakas, kaya’t dapat mapabilis ni Poirier ang laban.
Ang diskarte ni Makhachev ay pasensyoso at matalino, kaya’t kailangang makagulo si Poirier sa simula pa lang upang magbago ang daloy ng laban. Ngunit ayon sa marami, mukhang hawak ni Makhachev ang bentahe patungo sa kanyang ika-14 na sunod na panalo.
Sa co-main event, magsasalpukan sina Sean Strickland (28-6) at Paulo Costa (14-3). Si Strickland ay dating middleweight champion at nagtatangka muling makuha ang titulo matapos matalo kay Dricus du Plessis sa UFC 297 sa isang split decision. Samantala, si Costa, na may 1-3 record sa kanyang huling apat na laban, ay umaasang makabawi. Mahirap talunin si Costa kapag ang kalaban ay nagdidikta ng laban, ngunit ang estilo ni Strickland ay sakto sa ritmo ni Costa – mabagal at maingat.
Inaabangan ng mga fans ang isang slugfest dahil parehong mas gustong makipagsabayan sa stand-up game ang dalawa, na parehong may tig-11 knockout.
Ang UFC 302 ay mapapanood nang live sa Pilipinas sa Premier Sports channel sa Sky Cable at Cignal, pati na rin sa Blast TV streaming app. Ang preliminary rounds ay magsisimula ng 6:30 a.m., habang ang main card ay sasabak ng 10 a.m.
Sa darating na Linggo, magiging sentro ng aksyon ang UFC 302. Maging handa para sa matitinding bakbakan at mga surpresa sa loob ng octagon!