— Hindi naging madali ang laban ni Jerrold Mangliwan sa 400-meter T52 event ng Paris Paralympics ngayong Sabado ng umaga (Manila time), kung saan nagtapos siya sa ika-8 puwesto.
Sa oras na 1:04.55, natapos ni Mangliwan ang karera, ngunit kinapos laban sa pitong iba pang kalahok. Sa nakaraang Tokyo Paralympics, na-disqualify si Mangliwan matapos mapatunayang lumampas siya sa kanyang linya.
Malayo ang naging agwat niya sa nagwagi ng ginto na si Maxime Carabin ng Belgium, na nagtala ng 55.10 segundo. Samantala, ang mga pambato ng Japan na sina Tomoki Sato at Tomoya Ito ang kumuha ng silver at bronze.
Gayunpaman, hindi pa tapos ang kampanya ni Mangliwan, dahil sasabak pa siya sa men’s 100 meter T52 sa darating na Biyernes.
Kasabay nito, inaasahan ding magbibigay ng karangalan para sa Pilipinas ang javelin thrower na si Cendy Asusano, mga swimmer na sina Ernie Gawilan at Angel Otom, at taekwondo jin na si Allain Ganapin, na maglalaro ngayong Sabado.