— Habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng dengue, mas kakaunti ang mga nasasawi kumpara noong nakaraang taon, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon sa datos ng DOH, umabot na sa 128,834 ang mga kaso ng dengue as of July 27—ito'y 33 porsyento na mas mataas kumpara sa 97,211 cases noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Gayunpaman, mas kaunti ang mga namatay ngayong taon. Mula sa 378 deaths noong 2023, bumaba ito sa 337 ngayong 2024.
Sabi ng DOH, ang pagbaba ng bilang ng mga nasawi ay dahil sa mas maagang konsultasyon at mas mahusay na case management ng mga ospital. Ngunit paalala ng mga health officials, patuloy na mag-ingat at sundin ang preventive measures laban sa sakit.
Mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 13, umabot sa 18,349 ang mga bagong kaso, habang 12,153 naman mula Hunyo 16 hanggang 29, ayon sa DOH.
Sa mga rehiyon, nangunguna ang Western at Central Visayas, Cagayan Valley, at Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) sa pagtaas ng mga kaso nitong nakalipas na anim na linggo.
Pagtaas ng Dengue Cases sa Negros Occidental ng 75%
Sa Negros Occidental, tumaas ng 75 porsyento ang mga kaso ng dengue, na may anim na fatalities mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Sa Bacolod, capital ng probinsya, naitala ang 329 kaso at isang nasawi—11.5 porsyentong pagtaas mula sa 295 na kaso noong nakaraang taon.
Ayon kay PHO Chief Girlie Pinongan, activated na ang dengue fast lanes sa lahat ng district hospitals at rural health units para agad matugunan ang mga kaso.
Umabot sa 1,520 ang dengue cases sa Negros Occidental mula Enero hanggang Agosto 3—isang 75.32 porsyentong pagtaas mula sa 867 na kaso noong nakaraang taon sa parehong panahon.
Dagdag pa ni Pinongan, puno na ang lahat ng ospital ng probinsya, pati na ang mga pribadong ospital, dahil sa dami ng dengue patients, karamihan ay mga batang nasa edad 1 hanggang 10 taon.
READ: Pag-unawa sa Pagkakaiba ng Dengue, Chikungunya, at Zika: Tatlong Bantang Dapat Bantayan