— Ang Manila Electric Company (Meralco) ay opisyal nang sinimulan ang bidding para sa kanilang 600 megawatts (MW) na baseload supply upang masiguradong may sapat at abot-kayang kuryente para sa kanilang mga konsumer sa susunod na taon.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, ipinahayag ng Meralco ang paglulunsad ng Competitive Selection Process (CSP) para sa nasabing 600 MW baseload supply. Layunin nitong masiguro na laging mayroong sapat na suplay ng kuryente na maaasahan at makatarungan ang presyo para sa mga konsumer.
Ang CSP ay ang proseso kung saan pumipili ang Meralco ng supplier sa pamamagitan ng isang malinaw at patas na bidding. Ang kasunduang ito ay magtatagal ng 15 taon at magsisimula sa Agosto ng susunod na taon.
Sinimulan ang seleksyon matapos makatanggap ng certificate of conformity ang Meralco mula sa Department of Energy (DOE) para sa kanilang Power Supply Procurement Plan para sa Terms of Reference (TOR). Kinakailangan ang approval na ito para sa nasabing bidding.
Ayon sa TOR, noong Oktubre 2023, binuksan ng DOE ang bidding para sa mga supplier na may natural gas-fired power plants. Hinikayat din nila ang paggamit ng lokal na natural gas.
Ang deadline para sa pagsusumite ng Expression of Interest ay sa Hunyo 25, habang ang pre-bid conference ay magaganap sa Hulyo 24.
Isasara ng Bids and Awards Committee ng Meralco para sa PSAs ang pagsusumite ng bid sa Agosto 2.
Samantala, binalaan ng energy firm ang mga konsumer ngayong linggo ukol sa posibleng pagtaas ng singil sa kuryente ngayong buwan. Kasama rito ang pagtaas ng transmission costs at feed-in tariff (FIT) allowance.