— Ang MVP Group of Companies, sa kanilang mga sangay sa telekomunikasyon at media tulad ng Cignal TV, Smart, PLDT, Meralco, mWell, at MediaQuest, ay magtutulungan upang ihatid ang mga laban at kwento ng mga atletang Pilipino sa Paris Olympics direkta sa mga Pinoy sports fans.
"Sports talaga ang puso ng grupo namin, ang MVP Group of Companies," ani Sienna Olaso, pinuno ng Channel Management at Programming ng Cignal TV, sa isang media briefing kahapon sa opisina ng Cignal sa Mandaluyong.
"Nasa dugo ng MVP Group ang pagdadala ng pinakamalalaking sporting events sa buong mundo," dagdag pa ni Olaso.
Sa presscon, nakisali rin sina TV5 president at CEO Guido Zaballero, Cignal TV chief revenue officer Gerald Milan, Smart senior vice president Kristine Go, at Jude Turcuato, head ng MVP Sports marketing.
Mapapanood ng mga Pilipino ang pinakaaabangang sports event sa TV5, RPTV, at iba pang mga platform gaya ng Smart Sports, Puso Pilipinas social media pages, at PLDT para sa mga subscribers. Ang mga premium subscribers ay maaaring sumubaybay sa Olympic actions sa Cignal at dalawang pay-per-view pop-up channels.
Pinatunayan ng grupo ang kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng full coverage ng malalaking international sporting events tulad ng nakaraang FIBA World Cup at ang 2021 Tokyo Games kung saan nagkamit ng unang Olympic gold medal ang weightlifter na si Hidilyn Diaz para sa bansa.
Aminado si Olaso na hindi madali ang tungkuling ihatid ang mga laban ng mga Pilipinong Olympians sa mga manonood.
Ngunit nagiging posible ito sa buong suporta ng kanilang malaking boss na si sportsman at negosyanteng si Manny V. Pangilinan.
"Malaking pasasalamat namin sa chairman, dahil sa kanya, nagagawa namin ito. At tungkulin namin ito sa mga Pilipino," ani Olaso.