– Isang malaking balita ang lumabas nitong Lunes (Martes sa Manila) nang ianunsyo ng mga may-ari ng NBA champion Boston Celtics na ibinebenta nila ang koponan, dalawang linggo lang matapos masungkit ang ika-18 titulo sa NBA Finals.
Nagdiwang si Coach Joe Mazzulla kasama ang Larry O'Brien Trophy matapos ang panalo ng Boston Celtics, 106-88, laban sa Dallas Mavericks sa Game 5 ng 2024 NBA Finals sa TD Garden noong Hunyo 17, 2024.
Ayon sa Forbes, umabot na sa $4.7 bilyon ang halaga ng Celtics noong Oktubre, tumaas ng 18% mula sa dati. Sa ngayon, sumusunod lamang sila sa Golden State Warriors ($7.7 bilyon), New York Knicks ($6.6 bilyon), at Los Angeles Lakers ($6.4 bilyon).
Pinangunahan ni Wyc Grousbeck ang pagbili ng Celtics noong 2002 sa halagang $360 milyon. Ngunit kamakailan lang, mga mas mataas na halaga na ang naging bentahan ng NBA clubs. Ang Phoenix Suns, nabenta kay Mat Ishbia noong Pebrero 2023 sa halagang $4 bilyon, at ang Milwaukee Bucks naman ay may co-ownership stake na nabenta kina Jimmy at Dee Haslam sa halagang $3.5 bilyon noong nakaraang taon.
Noong Disyembre, nabenta rin ang Dallas Mavericks na natalo sa Celtics sa NBA Finals nitong nakaraang buwan. Ang casino moguls na sina Miriam Adelson at Patrick Dumont ang bumili ng 69% majority stake sa club sa halagang $3.8 bilyon.
"Ang Boston Basketball Partners LLC, ang grupong nagmamay-ari ng Boston Celtics, ay nag-anunsyo ngayon ng kanilang intensyon na ibenta ang lahat ng shares ng team," pahayag ng ownership group ng Celtics.
"Ang controlling family ng ownership group, matapos ang masusing pag-iisip at internal na diskusyon, ay nagpasya na ibenta ang team para sa estate at family planning considerations."
"Inaasahan ng managing board ng ownership group na magbebenta ng majority interest sa 2024 o maagang bahagi ng 2025, at ang natitirang bahagi ay matatapos sa 2028."
Si Grousbeck ay inaasahang mananatiling kinatawan ng team sa NBA Board of Governors hanggang sa tuluyang ma-finalize ang bentahan sa 2028, ayon sa mga may-ari.
Sa ilalim ng kasalukuyang may-ari, nanalo ang Celtics ng NBA title noong 2008 laban sa Los Angeles Lakers, natalo naman sa final sa Lakers noong 2010 at sa Golden State noong 2022 bago makuha ang kampeonato ngayong taon.