Ito ang sinabi ni Pangulong Marcos kahapon sa libu-libong delegado mula sa 19 rehiyon at mga koponang nakikipagsapalaran sa Palarong Pambansa sa Cebu City Sports Complex, sa puso ng Queen City of the South.
"Ang kaganapang ito ay higit pa sa isang inter-school, inter-regional competition. Isang plataporma ito upang tuklasin ang mga susunod na propesyonal na atleta, Olympians, lingkod-bayan at mga lider," ani ng Punong Ehekutibo.
"Hayaan niyong magsilbing training ground ito. Ito ang inyong pagkakataong kuminang at aktibong makilahok, maglaro nang may dangal, tiyaga at integridad at ipakita ang hindi matitinag na karakter ng mga Pilipino at grasya sa pagkatalo."
"Bumabati na ako nang maaga sa inyong lahat," dagdag pa niya.
Hindi nakadalo si Bise Presidente Sara Duterte sa inaugurals ngunit pinuri ang lahat ng mga atleta, coaches, at maging mga guro sa kanilang pagsisikap upang maisakatuparan ang taunang multi-sports meet na ito para sa mga mag-aaral.
"Sa ating mga atleta, wala sa inyo ang uuwi na talo – dahil ang inyong partisipasyon sa mga kompetisyon natin ay isa nang tagumpay para sa bawat isa sa inyo," ani Duterte.
"Dalhin ninyo ang mga leksyon ng pakikipagkaibigan, disiplina, pagpupursige at katatagan para sa katuparan ng inyong mga pangarap," dagdag niya.
Si Gobernador Gwendolyn Garcia ang nagpakilala kay Pangulong Marcos sa ngalan ni Duterte, kasama si acting Cebu City Mayor Raymond Alvin Gracia at Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann.
Bukas na magsisimula ang kompetisyon kung saan may 24 regular na sports na lalaruin, kasama ang bagong dagdag na dancesports.