— Nagbigay pahayag ang Embahada ng Tsina sa Maynila na nananawagan sa Embahada ng Estados Unidos na sagutin ang paratang ng isang lihim na kampanya na nagpapakalat ng takot ukol sa mga bakunang galing Tsina sa mga Pilipino noong kasagsagan ng pandemya.
"Sa panahon ng COVID-19 pandemic, bukod sa pagtataguyod ng 'America First', walang-awang siniraan ng US ang mga bakunang gawa ng Tsina at hinadlangan ang donasyon ng Tsina ng mga bakuna at medical supplies sa Pilipinas," ayon sa pahayag ng embahada sa X.
Ito ay lumabas matapos pahayag ni Ambassador MaryKay Carlson ng US na itigil ng Tsina ang “pangha-harass” sa mga barkong Pilipino sa West Philippine Sea at igalang ang karapatan ng lahat ng bansa sa malayang paglalayag at paglipad.
Ayon sa embahada ng Tsina, ang diumano'y disinformation campaign ay nagresulta sa "libo-libong pagkamatay sa Pilipinas, at nagbanta sa kalusugan ng mga tao sa rehiyon."
"Karapat-dapat ang mga Pilipino at ang pandaigdigang komunidad sa transparency. Bakit nanatiling tahimik ang Embahada ng US sa isyung ito? Hindi ba dapat managot ang Estados Unidos sa kanilang mga aksyon noong pandemya?" dagdag pa ng embahada.
Sa isang pagsisiyasat ng Reuters, natuklasan na mula 2020 hanggang 2021, isang koordinadong kampanya ang gumamit ng 300 pekeng social media accounts upang magpakalat ng takot tungkol sa programang bakuna ng Tsina. Ang mga account na ito, na nilikha noong tag-init ng 2020, ay gumamit ng hashtag na #Chinaangvirus.
Layunin ng mga account na lumikha ng takot ukol sa mga bakuna ng Sinovac at iba pang health supplies mula sa Tsina. Ang Sinovac vaccines ang unang COVID-19 shots na dumating sa Pilipinas noong Pebrero 2021.
Iniulat din ng Reuters na ang Pentagon ang nagpasimula ng operation kontra sa Tsina "bilang gantihan sa mga pagsisikap ng Beijing na sisihin ang Washington para sa pandemya."
Noong Biyernes (oras sa Maynila), sinabi ng isang opisyal ng US sa isang opisyal ng Tsina na ang mga defense commitments ng Washington sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty ay "ironclad" matapos ang isang marahas na sagupaan sa West Philippine Sea na nagresulta sa mga pinsala sa mga tropang Pilipino. — may ulat mula kay Cristina Chi