CLOSE

Pitong Rehiyon, Nasa Pinakamataas na Emergency Protocol Dahil kay Bagyong Kristine

0 / 5
Pitong Rehiyon, Nasa Pinakamataas na Emergency Protocol Dahil kay Bagyong Kristine

Pitong rehiyon sa bansa, isinailalim sa pinakamataas na emergency protocol dahil sa paparating na Bagyong Kristine. Handa na ba ang inyong lugar?

— Pitong rehiyon sa bansa ang kasalukuyang nasa pinakamataas na antas ng kahandaan matapos itaas ng Office of Civil Defense (OCD) ang “Charlie” emergency protocol dahil sa bagyong Kristine (international name: Trami). Inaasahang tatama si Kristine sa kalupaan sa Miyerkules, Oktubre 23.

Ayon sa PAGASA, ang mga rehiyong sumusunod ay inilagay sa “Charlie” protocol dahil sa panganib ng malalakas na ulan at iba pang hazards:

  • Cordillera Administrative Region (CAR)
  • Region II
  • Region III
  • Region V
  • Region VIII
  • CALABARZON
  • MIMAROPA

Samantala, ang mga rehiyon na nasa moderate risk ay isinailalim sa "Bravo" protocol:

  • Region I
  • Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)

Nasa mababang antas ng panganib at isinailalim sa "Alpha" protocol ang mga sumusunod:

  • National Capital Region (NCR)
  • Region VI
  • Region VII
  • Region XII
  • Region IX
  • Region X
  • CARAGA

Tinatayang Epekto Ayon kay OCD Undersecretary Ariel Nepomuceno, pinakilos na ang pinakamataas na response protocol matapos sabihin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tinatayang aabot sa 30 milyong tao ang maaapektuhan ni Kristine.

Mahigit 20,000 barangay ang nasa panganib ng pagbaha at landslide, ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB). Kabilang sa mga delikadong rehiyon ang Central Visayas, CAR, Eastern Visayas, Ilocos, MIMAROPA, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.

“Sa latest na datos mula sa DSWD, umakyat na sa 30 milyon ang bilang ng mga posibleng maaapektuhan ng bagyo. Malaking porsyento ng populasyon ang nasa panganib kaya kailangan natin ng lahat ng suporta para mapigilan ang mas malalang pinsala,” pahayag ni Nepomuceno.

Kasama rin sa banta ng pagbaha ang mga urbanized cities sa Metro Manila, kung saan tinatayang 1,403 barangay ang maaaring maapektuhan. Kabilang dito ang Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Pasay, Pateros, Las Piñas, Makati, Muntinlupa, Parañaque, Taguig, Quezon City, Mandaluyong, Marikina, Pasig, San Juan, at Manila.

Babala ng PAGASA, posible ring itaas ang Wind Signal No. 4 kung magpapatuloy ang paglakas ni Bagyong Kristine, na kasalukuyang may hanging aabot ng 65 kilometers per hour (kph) at bugso ng hangin na 80 kph.

Sa ngayon, itinaas na ang Wind Signal No. 1 sa ilang lugar, habang Signal No. 2 naman sa Catanduanes. Inaasahang magiging typhoon si Kristine pagdating ng Biyernes, Oktubre 25.