— Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na kasuhan si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng obstruction of justice matapos nitong sabihin sa mga reporter noong nakaraang linggo na ayaw niyang ibunyag ang kinaroroonan ng wanted sex trafficker na si Apollo Quiboloy, ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil nitong Lunes.
Sinabi ni Marbil na “any statement” na nagsasaad ng alam ang lokasyon ni Quiboloy ay susuriin ng PNP upang tingnan kung lumalabag ito sa Presidential Decree 1829, na nagpaparusa sa “any person who knowingly or willingly obstructs, impedes, frustrates or delays the apprehension and prosecution of suspected criminal offenders."
"Pinag-aaralan namin sa aming legal service kung paano makakuha ng mga saksi para magsampa ng kaso. Hindi pwedeng basta ka nalang magsabi ng kung anu-ano na makakasira sa operasyon ng kapulisan," ani Marbil sa isang panayam sa "TeleRadyo Serbisyo" nitong Lunes.
"Tandaan natin na gumagastos tayo ng milyon-milyong manpower at piso para mahanap ang mga taong ito. Responsibilidad ng mga mamamayan na tulungan ang gobyerno," dagdag pa niya.
Ito'y matapos sabihin ni Duterte sa mga reporter sa Tacloban City noong Hunyo 1 na alam niya kung nasaan ang founder ng Kingdom of Jesus Christ ngunit mananatili itong “sekreto.”
Malapit na kaibigan ni Duterte si Quiboloy at nagboluntaryo pa siyang pamahalaan ang mga ari-arian ng KOJC noong Marso matapos masita ng Senado ang kontrobersyal na preacher dahil sa hindi pagdalo sa isang imbestigasyon ukol sa mga alegasyon ng sexual abuse at human trafficking laban sa kanya. Inutos na ng Senado ang kanyang pag-aresto.
May mga standing warrants of arrest din si Quiboloy mula sa mga korte ng Davao City at Pasig City para sa mga kaso ng child sexual abuse at human trafficking.
Noong Hunyo, sinalakay ng mga heavily armed law enforcement authorities ang mga compound ni Quiboloy sa Davao City upang magsilbi ng warrant of arrest laban sa kanya at sa iba pang mga kasama sa KOJC.
Tinangkang pigilan ng mga sibilyang tagasuporta ni Quiboloy ang mga awtoridad na makapasok sa tatlong ari-arian ng KOJC, na nagresulta sa isang komosyon na ikinasugat ng tatlong miyembro ng KOJC.
Ayon kay Marbil, inutusan na niya ang PNP legal service na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban kay Duterte dahil sa mga hirap na nararanasan ng mga pulis sa tuwing magtutungo sila upang maglingkod ng warrant of arrest laban kay Quiboloy.
"Tuwing pumupunta kami doon, may nasasaktan kapag nagsisilbi kami ng warrant of arrest. Iyon ang gusto naming maiwasan: ang paggamit ng inosenteng tao para protektahan ang mga pugante," sabi ni Marbil sa halo ng Ingles at Filipino.
Nitong Lunes, inanunsyo ni Interior and Local Government chief Benhur Abalos ang P10 milyong pabuya para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon na magdudulot sa pag-aresto ni Quiboloy.
May P1 milyong pabuya din para sa sinumang informant na makakapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga subordinates ni Quiboloy na humaharap sa mga kaso ng child sexual abuse, partikular na sina Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, at Jackiely Roy.
Bukod sa kanyang mga nakabinbing kaso sa Pilipinas, wanted din si Quiboloy ng United States Federal Bureau of Investigation para sa mga paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang sexual abuse of minors.