— Ang Quezon City ang kauna-unahang lokal na pamahalaan (LGU) na nagpatupad ng integrated cancer control policy matapos aprubahan ang ordinansa na inakda ni Konsehal Alfred Vargas ng District 5.
Pinirmahan ni Mayor Joy Belmonte ang Ordinansa SP-3285, S-2024 o ang Quezon City Integrated Cancer Control Ordinance (QCICCO), na magbibigay benepisyo sa mga cancer patients at kanilang pamilya.
“This groundbreaking health ordinance is the first in the Philippines, establishing a comprehensive approach to cancer control on a local level,” ani Vargas.
“Ang ordinansang ito ay pinagsasama ang mandato at resources ng iba't ibang departamento ng lokal na pamahalaan, tulad ng persons with disabilities affairs office, social services development department, at iba pa. Kasabay nito, pinapalakas ang kakayahan ng city health department,” dagdag pa niya.
Ayon sa ordinansa, magtatalaga ang Quezon City ng cancer control coordinators, magtatayo ng cancer patient navigation and referral system, at maglalagay ng local cancer registry para ikonekta ang mga pasyente sa mga serbisyong magagamit at pondo.
Ang ordinansa ay alinsunod sa Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control Act (NICCA), na pangunahing inakda ni Vargas sa Kongreso.
“Maraming Pilipino ang hindi pa rin alam ang mga benepisyong na-institutionalize ng NICCA, tulad ng Cancer Assistance Fund at iba pang mekanismong pinansyal. Ang ordinansa namin ay magpapadali ng access sa mga resources na ito,” sabi ni Vargas.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, cancer ang pangalawang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas, na may 10.4-porsyentong bahagi sa kabuuang pagkamatay noong nakaraang taon.
Nagpasalamat din si Vargas sa suporta ng Department of Health at sa teknikal na tulong ng mga eksperto mula sa Cancer Coalition Philippines, Philippine Cancer Society, at iba pang non-government organizations.
“Ang aming layunin ay ibalik ang pag-asa sa mga cancer patients at kanilang pamilya. Walang dapat makaramdam ng kawalan ng pag-asa dahil sa cancer diagnosis. Ang sakit na ito ay hindi dapat maging hatol ng kamatayan,” dagdag pa ni Vargas.