– Ang San Miguel Beermen at Meralco Bolts ang magiging pambato ng Philippine Basketball Association (PBA) sa darating na East Asia Super League (EASL) 2024-25 season.
Napili ang Beermen at Bolts base sa kanilang husay noong 2023-24 PBA season. Ang San Miguel Beermen ang kampeon ng 2023-24 Commissioner’s Cup at nagtapos bilang runners-up sa Philippine Cup. Samantalang ang Meralco Bolts ay mga kampeon ng 2023-24 Philippine Cup.
Nasa Group A ang San Miguel Beermen para sa Group Stage, kung saan makakasagupa nila ang mga kampeon ng Japan B.League na Hiroshima Dragonflies, ang Korean Basketball League (KBL) runners-up na Suwon KT Sonicboom, at ang P. League+ runners-up na Taoyuan Pauian Pilots.
Samantala, nasa Group B naman ang Meralco Bolts, at makakaharap nila ang Japan B.League runners-up na Ryukyu Golden Kings, ang KBL champions na Busan KCC Egis, at ang P. LEAGUE+ champions na New Taipei Kings.
Ang draw para sa group stage ng 2024-25 EASL season ay isinagawa mas maaga pa ngayong taon kasunduan sa mga sumasaling liga.
Pahayag ni PBA commissioner Willie Marcial, "Excited ang PBA na ipadala ang dalawang kampeon teams nito para lumaban sa EASL. Ang San Miguel Beermen at Meralco Bolts ay nagpakita ng kanilang lakas noong nakaraang season sa pagwawagi sa Commissioner’s Cup at Philippine Cup. Ipagmamalaki nila ang basketball ng Pilipinas at umaasa kaming isa sa kanila ang makakakuha ng korona sa East Asia sa susunod na season."
Ayon naman kay EASL CEO Henry Kerins, “Ang mga Filipino teams at fans ay nagdadala ng matinding competitiveness at passion sa EASL at ikinagagalak naming kumpirmahin ang partisipasyon ng San Miguel Beermen at Meralco Bolts sa susunod na season. Inaasahan naming magpapakita sila ng matinding laban para sa championship, laban sa mga pinakamahusay na teams sa East Asia.”
READ: Meralco Balik kay Durham: Pagbabalik ng Tagisan nina Durham at Brownlee