— Emosyonal na nagpaalam si Klay Thompson sa kanyang Golden State Warriors teammates nitong Biyernes (Sabado sa Manila) sa pamamagitan ng isang heartfelt farewell sa social media.
Si Thompson, 34, ay umalis sa Golden State ngayong linggo bilang free agent matapos ang 13-season NBA career kasama ang koponan. Isang mahalagang bahagi ng mga championship seasons ng Golden State noong 2015, 2017, 2018, at 2022, si Thompson ay lilipat sa Dallas Mavericks sa susunod na season.
Si Thompson, na kinikilala bilang isa sa pinakamahusay na shooters sa kasaysayan ng basketball, ay nagbahagi ng kanyang mensahe sa Instagram, sinabing siya'y "honored" na naging bahagi ng prangkisa.
"Napakahirap ilarawan kung gaano kalalim ang pasasalamat ko sa inyo," isinulat ni Thompson. "Mula sa kaibuturan ng aking puso, maraming salamat sa pinakamahusay na mga sandali ng aking buhay.
"Ang nais ko lamang ay maging pinakamabuting ako at makatulong na makapag-uwi ng maraming kampeonato hangga't maaari sa rehiyon.
"Pero hindi talaga yung mga singsing ang pinakamahalaga, kundi ang mga pagkakaibigan na nabuo ko na tatagal panghabangbuhay.
"Ako at ang aking pamilya ay nais magpasalamat sa lahat ng mga kahanga-hangang tao na walang sawang nagtatrabaho upang gawing world-class ang @warriors na organisasyon.
"Huwag malungkot dahil natapos na, maging masaya dahil nangyari ito. Hanggang sa muli. Sea captain out," pagtatapos ni Thompson, gamit ang palayaw na nakuha dahil sa kanyang ugali na mag-commute sa Warriors home games sakay ng kanyang personal na pleasure boat.