CLOSE

Tigresses Lumusot sa UAAP Semis; Lady Tamaraws, Napasuko!

0 / 5
Tigresses Lumusot sa UAAP Semis; Lady Tamaraws, Napasuko!

UST Tigresses, pasok na sa UAAP Final Four matapos talunin ang FEU Lady Tamaraws, 70-54. Anim na sunod-sunod na panalo, bitbit ng Tigresses patungo sa semifinals.

— Pasok na ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses sa semifinals ng UAAP Season 87 women’s basketball matapos pataubin ang Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 70-54, ngayong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Ito na ang pang-anim na sunod na panalo ng Tigresses, na may hawak ngayong 9-1 rekord. Kasama nila sa Final Four ang defending champions National University (NU) Lady Bulldogs, na last season runners-up.

Bida off-the-bench si Tacky Tacatac na may 12 puntos, tatlong steals, dalawang assists, at dalawang rebounds sa 4-of-12 shooting, habang si Kent Pastrana ay nagdagdag ng double-double na 11 puntos at 13 rebounds, bukod pa sa tatlong assists.

Sa second quarter pa lang, humiwalay na ang Tigresses sa score na 41-24, na naging sapat na agwat para sa UST upang maabot ang 26-point lead sa fourth quarter sa score na 64-38 sa pamamagitan ng basket ni Rachel Ambos.

"We followed yung game plan namin. May mga turnovers pa rin na kailangang ayusin, pero masaya kami sa resulta. Nag-step up yung mga players and na-expose din natin yung bench players," ani coach Haydee Ong ng UST.

Sa kabilang banda, nanguna naman para sa FEU si Joan Nagma na may 11 puntos at apat na rebounds, habang si Yvette Villanueva ay may 10 puntos, limang rebounds, dalawang assists, at dalawang steals.

Maghaharap ang UST at NU sa Miyerkules, Nobyembre 6, habang ang FEU ay tatapat sa University of the East Lady Warriors sa darating na Linggo, Nobyembre 3.

Sa ibang laro, nanaig ang Adamson Lady Falcons kontra UP Fighting Maroons, 57-54. Dahil dito, umakyat ang Lady Falcons sa 7-3, habang bumagsak ang UP sa 3-6.