— Muling lumobo ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa nitong Abril 2024, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Huwebes.
Sa isang press conference, sinabi ni National Statistician at PSA Chief Claire Dennis Mapa na umabot sa 2.04 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, na mas mataas ng bahagya mula sa dalawang milyon noong Marso 2024.
Ayon sa PSA, ang sumusunod na mga industriya ang may pinakamalaking pagbagsak sa empleyo mula Abril 2023 hanggang Abril 2024:
- Accommodation and food service activities (638 thousand)
- Construction (378 thousand)
- Transportation and storage (289 thousand)
- Manufacturing (285 thousand)
- Other service activities (200 thousand)
Naitala ng Rehiyon 5 (Bicol Region) ang pinakamataas na unemployment rate na 5.4%, samantalang pinakamababa naman ang sa Rehiyon 9 (Zamboanga Peninsula) na 2.3%.
Tumaas din ang underemployment rate noong Abril 2024 sa 14.6%, kumpara sa 11% noong Marso 2024 at 12.9% noong Abril 2023.
Sa 48.36 milyong may trabaho, 7.04 milyon ang nagpahayag ng kagustuhang magdagdag ng oras o trabaho, na mas mataas sa 5.39 milyon noong nakaraang buwan.
Employment rate
Noong Abril 2024, iniulat din ng PSA na nasa 96% ang employment rate o 48.36 milyong Pilipinong may trabaho.
Bumaba ito mula sa 49.15 milyon noong Marso 2024 ngunit bahagyang tumaas mula sa 48.06 milyon noong Abril 2023.
Sinabi ni Mapa na ang mga sektor na may pinakamalaking pagtaas sa empleyo sa quarter-to-quarter basis ay ang mga sumusunod:
- Wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles (1.09 million)
- Accommodation and food service activities (626 thousand)
- Manufacturing (218 thousand)
- Other service activities (169 thousand)
- Construction (163 thousand)
Dominante pa rin ang wage at salary workers sa bilang ng mga may trabaho, na nasa 63.6% ng kabuuang workforce noong Abril 2024.
Kasunod nito ang mga self-employed na walang empleyadong tauhan na 27.9%, habang ang unpaid family workers ay nasa 6.5%.
Ang mga employer sa kanilang family-operated farm o negosyo ang may pinakamaliit na bahagi na 2.1%.
Samantala, ang services sector ang nangingibabaw sa labor market na may 61.4% share sa bilang ng mga may trabaho. Sumunod ang agriculture sector na may 20.3% at industry sector na may 18.3%.
Ang labor force participation rate para sa mga edad 15 pataas ay nasa 64.1% o 50.40 milyong Pilipino, bahagyang mas mababa kaysa 50.15 milyon noong Marso 2024 ngunit mas mataas kaysa 50.31 milyon noong Abril 2023.
Naitala ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang pinakamataas na labor force participation rate na 71.2%, habang pinakamababa naman sa Zamboanga Peninsula na 59.6%.