CLOSE

Tumataas pa ang Kaso ng Leptospirosis: DOH Nagbabala sa Publiko

0 / 5
Tumataas pa ang Kaso ng Leptospirosis: DOH Nagbabala sa Publiko

Lumobo na naman ang bilang ng leptospirosis cases sa bansa, karamihan dito ay matatanda. DOH naglabas ng babala at surge capacity plan activated na.

— Patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH), at karamihan sa mga tinamaan ay mga matatanda.

Sa ulat ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo, mula August 8 hanggang 13, may naitalang 523 bagong kaso ng leptospirosis, kung saan 423 o 81% ng mga kaso ay pawang matatanda, habang 19% o 100 kaso naman ay mga bata.

“Sa 523 kaso na ito, may walong pasyente ang naka-mechanical ventilator para matulungan sa kanilang paghinga, at 243 naman ang nakatakda o kasalukuyang sumasailalim sa dialysis,” pahayag ni Domingo sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon kahapon.

Binigyang-diin ni Domingo na operational data pa lang ang pinagbabatayan ng mga kasong ito at hindi pa kasama sa opisyal na epidemiologic tally.

Mayroon ding 43 na naiulat na nasawi sa loob ng anim na araw, kung saan 41 dito ay matatanda at dalawa naman ay bata. Aniya, "Tumaas na ang bilang ng leptospirosis patients sa National Kidney Institute, San Lazaro Hospital, at iba pang mga pasilidad."

Pinaalalahanan din ng DOH ang publiko na hindi lamang iilang ospital ang may kakayahan na gamutin ang leptospirosis. "Mas mainam na tumawag muna sa mga ospital gamit ang landline 8531-0037 o cellphone number 0920-283-2758 para malaman kung saan may bakanteng kama. Sa ganitong paraan, mas madali silang maire-refer sa tamang ospital na may available beds," paliwanag ni Domingo.

Inilunsad ng DOH ang surge capacity plan bilang tugon sa pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa. “Kapag sinabi mong surge capacity plan, kung may 100 kama ang ospital at 10 lang dito ang para sa leptospirosis, dadagdagan ito para maging 20 o 30 para sa mga pasyente ng leptospirosis,” dagdag ni Domingo.

Sa naunang datos ng DOH, umabot na sa 2,115 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa bansa ngayong taon. Itinuturo ang pagbaha dulot ng Bagyong Carina bilang pangunahing dahilan ng biglang pagtaas ng mga kaso.

READ: DOH, Iminumungkahi ang Pagbawal ng Paliligo sa Baha Dahil sa Leptospirosis Surge