— Nasa Signal No. 3 na ang bahagi ng hilagang-silangan ng Cagayan habang lumalakas pa si Typhoon Marce (international name: Yinxing) at papalapit sa rehiyon, ayon sa PAGASA.
Sa huling update ng alas-11 ng umaga ngayong Miyerkules, Nobyembre 6, nasa layong 305 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan, ang mata ng bagyo, o kaya’y 315 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.
May lakas na hanging umaabot ng 150 km/h at bugso hanggang 185 km/h, patuloy ang pagkilos ng bagyo sa direksyong kanluran sa bilis na 10 km/h.
Mga Lugar na Apektado ng Wind Signals:
Signal No. 3 – storm-force winds (89 km/h hanggang 117 km/h):
- Hilagang-silangan ng mainland Cagayan (Santa Ana)
Signal No. 2 – gale-force winds (62 km/h hanggang 88 km/h):
- Batanes
- Babuyan Islands
- Ilang bahagi ng hilaga ng Cagayan (Gonzaga, Lal-Lo, Santa Teresita, Buguey, atbp.)
- Hilaga ng Apayao (Calanasan, Luna, Pudtol, Santa Marcela)
Signal No. 1 – strong winds (39 km/h hanggang 61 km/h):
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- Abra
- Ilang bahagi ng Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya
- Hilaga ng Aurora
Babala ng Storm Surge
Nagbigay ng babala ang PAGASA sa mga posibleng storm surge na aabot sa 2-3 metro ang taas sa mga coastal areas ng Batanes, Cagayan, Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Northern Zambales, Polillo Islands, at ilang bahagi ng Camarines Norte, Northern Samar, Albay, at Palawan. Ipinapayo sa maliliit na bangka na huwag munang pumalaot hangga't hindi humuhupa ang alon.
Landfall at Forecast Track
Inaasahan na tatahakin ni Marce ang katubigan sa silangan ng Cagayan at babagtasin ang Babuyan Channel sa darating na Nobyembre 7 hanggang Nobyembre 9. Inaasahan ang posibleng landfall sa Babuyan Islands o sa hilagang bahagi ng mainland Cagayan, Ilocos Norte, at Apayao sa Huwebes ng hapon o Biyernes ng umaga.
Para sa pinakahuling updates at babala, manatiling nakatutok sa PAGASA at mga lokal na disaster response offices.