—Hindi naging madali ang unang sabak ni Vanessa Sarno sa Olympics. Sa kanyang debut para sa Team Pilipinas, nahirapan siya matapos mabigong ma-angat ang 100kg sa snatch at agad na natanggal sa laban. Pero ayon kay Sarno, nagsimula na raw siyang matalo bago pa ang kompetisyon—doon pa lang sa training camp sa Metz, France.
“Ang hirap gumalaw, alam mo yun? Sa sobrang toxic ng environment, feeling ko doon pa lang, talo na ako,” ani Sarno sa isang interview sa Paris. “Hindi na ako komportable sa mga tao sa paligid. Sila yung dahilan kaya halos na-depress na ako sa sport ko.”
Dagdag pa niya, “Hindi talaga maganda yung ganitong sitwasyon, lalo na pag naghahanda ka para sa Olympics. Aminado ako na sobrang hina ng mentality ko dahil sa mga taong sobrang toxic sa paligid ko.”
Kahit pa may personal best si Sarno na 110kg, hirap siyang ma-angat ang starting weight na 100kg sa snatch. Tatlong beses niyang sinubukan, pero bigo siyang makumpleto ang tamang angat.
Bagamat hindi niya binanggit ang mga tao o sitwasyon na tinutukoy niya, sinabi ni Sarno na ramdam niya na parang gusto siyang pabagsakin ng mga nasa paligid niya. “Simula nung training sa Metz, sobrang hina na ng loob ko. Gusto ko na nga sumuko kasi sobrang toxic na talaga,” ani Sarno.
Pahayag pa niya, “Kayang-kaya ko yung 100kg, nung nasa Manila pa nga ako, walang problema. Pero sobrang nanghihinayang ako… na-apektuhan talaga ako ng mga taong nagda-down sa akin.”
Sa kabila nito, si Samahang Weightlifting ng Pilipinas President Monico Puentevella ay nagbigay ng kanyang pananaw. “Hayaan natin na ang performance niya ang magsalita para sa kanya. Bago pa lang siya, first Olympics niya ito. Hindi ko alam ano ang ibig niyang sabihin sa ‘toxic.’”
Dagdag pa ni Puentevella, “Pagkatapos ng kasiyahan natin sa mga panalo natin, aayusin ko ito. May oras tayo para diyan.”
READ: Vanessa Sarno, Bumida sa Phuket: Paghahanda para sa Paris Olympics