— Tennis World No. 1 Jannik Sinner ay maluwag ang paghinga matapos makalusot sa isang doping ban. Bagama’t dalawang beses siyang nag-positibo sa isang banned substance, nanindigan siya na “wala akong ginawang mali.”
Ang 23-anyos na Italian ay humarap sa media ngayong Sabado (Manila time), matapos siyang pinalaya ng International Tennis Integrity Agency (ITIA) mula sa mga paratang. Tinanggap ng ITIA ang kanyang paliwanag na ang droga ay aksidenteng napasok sa kanyang sistema dahil sa spray na ginamit ng kanyang physiotherapist para gamutin ang isang sugat, na sinundan ng massage at sports therapy.
Sa March, nagpositibo si Sinner sa mababang antas ng clostebol, isang bawal na anabolic agent. Una itong natuklasan sa Indian Wells Masters, at muli sa isang out-of-competition test makalipas ang walong araw.
Dahil dito, nabawi ang kanyang mga resulta, premyong pera, at 400 ranking points na nakuha niya sa Indian Wells. Subalit, kinumpirma ng ITIA ngayong linggo na isang independent tribunal ang nagpasyang wala siyang kasalanan o kapabayaan sa mga paglabag.
Ayon kay Sinner, naging nerve-wracking ang proseso, at itinanggi niyang nakatanggap siya ng espesyal na pabor dahil sa kanyang mataas na ranking. "Hindi, lahat ng player na nagpositibo ay kailangang dumaan sa parehong proseso. Walang shortcut, walang special treatment. Pare-pareho lang."
READ: Djokovic Eyes Slam Record at US Open, Sinner Faces Controversy
Ipinaliwanag ni Sinner na patuloy siyang nakapaglaro nang walang mahabang provisional suspension dahil agad na natukoy ng kanyang team na ang spray na ginamit ng kanyang physio na si Giacomo Naldi ang naging sanhi. Ang spray na ito ay ibinigay ng kanyang trainer na si Umberto Ferrara.
Ngayon, kinumpirma ni Sinner na pinutol na niya ang ugnayan sa dalawang tauhan, dahil sa pagkawala ng kanyang tiwala sa kanila. "Sila’y malaking bahagi ng aking karera. Pero dahil sa mga pagkakamaling ito, hindi na ako komportable na ipagpatuloy ang aming samahan."
Nabanggit din ni Sinner na nauunawaan niya ang frustration ng mga manlalaro na kailangang maghintay ng matagal bago malutas ang kanilang mga kaso ng doping. "Pero marahil, ang dahilan kung bakit sila nasuspinde ay hindi nila alam kung saan nanggaling ang substance at paano ito napasok sa kanilang katawan."
Nagpahayag si Sinner ng saya na matapos ang buwan ng paghihintay, napatunayan ang kanyang pagiging inosente. “Sobrang saya ko na lumabas na ang resulta... Hinihintay ko ito ng matagal, kaya ngayon, finally, tapos na ito."
Hindi naman lahat ay kumbinsido na dapat basta na lang matapos ang isyu. Ayon kay Australian player Nick Kyrgios sa isang post sa X, “ridiculous” na walang suspension si Sinner. Samantalang si American Frances Tiafoe, na natalo kay Sinner sa Cincinnati final noong Lunes bago ang ITIA announcement, ay nagdesisyong huwag nang pumasok sa debate. “Ginawa ng governing bodies ang kanilang trabaho. Malinaw na pinahintulutan siyang maglaro, at iyon ang mahalaga. Ako’y focused lang sa US Open.”
READ: Jannik Sinner, Nilinis ng ITIA Matapos Magpositibo sa Doping Test