– Malaking balita ang WHO ngayong araw, matapos nilang ideklara na ang surge ng mpox sa Africa ay isang global public health emergency. Ayon kay WHO Chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, ito na ang pinakamataas na alert level na maari nilang itaas dahil sa lumalalang sitwasyon.
Sa isang emergency meeting na isinagawa ng WHO, tinalakay ang mabilis na pagtaas ng kaso sa Democratic Republic of Congo (DRC) at ang pagkalat nito sa mga kalapit na bansa. "Nakatakot na ang bilis ng pagkalat ng bagong clade ng mpox sa silangang bahagi ng DRC, pati na rin sa mga bansang dati'y walang naiuulat na kaso ng mpox," ani Tedros. Dagdag pa niya, "Kailangan ng isang pinagsama-samang international response para mapigilan ang outbreak at mailigtas ang buhay ng marami."
Mula sa Africa, ang UN health agency ay sumunod na rin sa hakbang ng African Union na nagdeklara ng public health emergency dahil sa lumalaking outbreak. Umabot na sa mahigit 14,000 kaso at 524 na pagkamatay ang naitala sa DRC ngayong taon, na malaki ang itinaas kumpara noong nakaraang taon.
Isa sa mga pangamba ng WHO ay ang mabilis na pagkalat ng clade 1b na sinasabing kumakalat sa pamamagitan ng sexual networks. Bukod pa rito, nagiging problema na rin ang pagkalat nito sa Burundi, Kenya, Rwanda, at Uganda.
Si Dimie Ogoina, ang chairman ng emergency committee, ay nagpahayag na marami sa mga miyembro ng komite ang naniniwala na "nasa ibabaw pa lang tayo ng iceberg" dahil sa kakulangan ng masusing surveillance. Samantala, sinabi ni Maria Van Kerkhove, WHO’s epidemic and pandemic preparedness director, na "Kaya nating mapigilan ang pagkalat ng mpox basta’t magtulong-tulong tayo."
Sa Pilipinas, nagpaalala naman ang Department of Health (DOH) na mag-ingat ngunit huwag mag-panic. "Kailangan natin maging alerto pero huwag naman sobra. Dapat natin malaman kung ano ang gagawin para hindi tayo mahawa," ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo.
Bagamat walang naitalang bagong kaso ng mpox sa bansa mula noong Disyembre 2023, nananatiling alerto ang DOH at patuloy na nagmamanman sa sitwasyon. Para makaiwas, nagbigay paalala si Domingo na panatilihing malinis ang katawan at mag-ingat sa mga posibleng pagkahawa.