CLOSE

Yulo, Handang Magturo sa Hinaharap

0 / 5
Yulo, Handang Magturo sa Hinaharap

Carlos Yulo, dalawang beses na Olympic gold medalist, nangangarap magtayo ng gymnastics academy para sa mga kabataang Pinoy na may potensyal na mag-gold medal.

— Matapos ang kanyang tagumpay sa Paris Olympics, hindi natatapos doon ang kwento ni Carlos Yulo. Ang ultimate goal ng golden boy ng Pilipinas ay makapag-produce ng mga susunod na gold medalist sa gymnastics sa pamamagitan ng isang dedikadong akademya.

“Pagkatapos ng career ko, gusto ko po talagang mag-coach at makatulong sa mga bata. Hindi ko pa iniisip ‘yun ngayon, pero sa future, ‘yun po ang gusto kong gawin,” ani Yulo sa isang media event kasama ang TV5, Cignal, MediaQuest at The Philippine STAR kahapon sa TV5 Launchpad Building Center, Mandaluyong.

May nagsasabi na dapat pangalanan ang magiging akademya na Carlos Yulo Gymnastics Academy, katulad ng Hidilyn Diaz Weightlifting Academy na kamakailan lang inilunsad. Pero ayon kay Yulo, higit pa sa pangalan ang kailangan para maitaguyod ang gymnastics at iba pang sports.

“Marami pong aspeto para matulungan ang mga atleta. Sana po ma-introduce ang more sports sa mga eskwelahan, tapos kung gusto nila magpatuloy, nandiyan naman ang PSC at POC para suportahan ang mga atleta,” pahayag ni Yulo, na tinuturing ang Japan bilang isang magandang ehemplo.

Si Yulo ay nagsanay ng karamihan sa kanyang career sa Japan sa ilalim ng kanyang dating coach na si Munehiro Kugiyima. Hangang-hanga siya sa sports culture ng Japan mula grassroots hanggang collegiate level.

“Sa knowledge lang siguro tayo kulang sa sports. Sa Japan, grabe ‘yung culture nila. Maganda po na naglalaro ang mga kabataan ng iba’t ibang sports—gymnastics man, athletics, o basketball. Gusto ko pong ma-encourage na mapalawak pa ito,” ani pa ni Yulo.

Samantala, plano ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) na kumuha ng foreign coach mula sa Japan, Bulgaria, o Australia para palakasin ang programa ni Yulo para sa 2028 Los Angeles Games.

“Ako’y nag-iisip pa kung sino ang best coach at marami ang gustong mag-coach kay Carlos matapos ang Paris Olympics,” sabi ni GAP president Cynthia Carrion.

Sa edad na 24, malaki pa ang puwedeng maabot ni Yulo at marami pang medals ang maaaring maiuwi. Pagkatapos nito, posibleng ang akademya na ang susunod para kay Yulo.

“Opo, pangarap ko po ‘yun pero sa ngayon, focus po muna ako sa gymnastics career ko,” dagdag ni Yulo, na mainit na tinanggap ng mga batang gymnast mula sa buong bansa sa kanyang guesting sa Eat Bulaga sa TV5 Center kahapon.

READ: Milyon-milyon na Insentibo, Parating na para kay Yulo