— Tatlong rehiyon ang kinilala ng Department of Health (DOH) dahil sa mahusay at epektibong pagresponde sa dengue cases, ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo.
“Maliban sa Bicol, Soccsksargen, at Zamboanga Peninsula, tumaas ang dengue cases sa lahat ng rehiyon sa bansa," ani Domingo. "Dahil dito, hindi pa maaaring magdeklara ng national dengue outbreak ang DOH."
As of Aug. 10, walang pagtaas ng kaso ang naitala sa tatlong rehiyon mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 13. Sa katunayan, bumaba pa ang mga kaso ng dengue sa Bicol ng 17.78%, sa Soccsksargen ng 4.03%, at sa Zamboanga Peninsula ng 6.46%.
Pinaniniwalaan ni Domingo na ang pagbaba ng mga kaso ay dahil sa mas pinatinding community efforts laban sa lamok na nagdadala ng dengue.
“Kapag naglilinis, dapat sabay-sabay at koordinado para maiwasan ang paglipat ng mga lamok sa ibang lugar,” paliwanag ni Domingo. "Kung ang inyong barangay ay malinis, pero ang katabing barangay ay hindi, lilipat lang ang mga lamok doon."
Binigyang-diin ni Domingo na ang community coordination at pakikipagtulungan ay mahalaga para tuluyang maalis ang dengue.
Base sa datos ng DOH, mula Enero 1 hanggang Agosto 10, umabot na sa 150,354 ang kabuuang bilang ng dengue cases sa buong bansa.